Disaster News

Pangangailangan ng mga binaha, patuloy na tinutugunan ng Diocese of Kalookan at Cubao

Agad na sumaklolo ang Diocese of Cubao at Diocese of Kalookan sa mga biktima ng baha bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Inihayag ni Father Ronnie Santos, parish priest ng Christ the King sa Project 7, Quezon at head ng Diocese of Cubao Disaster Risk Reduction Management na agad na nagpakain at nagbigay ng relief ang Diocese sa mga binaha.

“Sa atin pong Diocese, identified po namin lagi yung mga parokya na binabaha. Kagabi po ay nagpakain na rin po agad tapos nagbigay ng relief goods sa kanila. Iyong mga parokya pong binaha sa amin ay yung San Antonio De Padua sa may West Riverside, Westerly Redeemer sa may Masambong, Holy Family po sa may Roxas at iyong kay Fr. Jojo Cerudo sa Holy Redeemer sa may Araneta.” pahayag ni Father Santos sa Radio Veritas

Sinabi ng Pari na agad na nagpalabas ng Calamity Fund ang Diocese of Cubao kaya tuloy-tuloy ang pagbabahagi nila ng tulong.

Gayunman, Humihingi pa rin si Father Santos ng tulong sa mamamayan para sa mga residenteng binaha ang lugar.

“Iyong Diocese natin ay naglabas agad ng pondo para po sa calamity fund so, agad-agad po mapag-hanggang ngayon po ay inaasikaso po sila.Sa atin pong mga tagapakinig, kami po ay kumakatok sa inyong puso, siyempre po sila ay nangangailangan ng pagkain dahil hindi sila makapagluto. Pagkain po, tubig, tapos ay mga damit po lalo na damit sa mga bata, damit sa mga magulang din po nila. Actually, mga gamot na rin dahil nagkakasakit na rin mga bata after.” panawagan ng pari sa Radio Veritas

Kaugnay nito, umaapela din si Father Benedict Cervantes, Social Action Center director ng Diocese of Kalookan ng ayuda para sa residente ng Kalookan na matinding binaha lalu ang Dampalit sa Malabon.

“Mga Kapanalig, nananawagan po kami sa inyo kasi kailangan po talaga nila ng mga gamit like blankets, dahil malamig ang panahon, kung meron po kayo diyan mga gamit para sa mga bata po, damit o gamot especially sa mga elderly natin at mga pagkain. Bukas po ang Caritas Caloocan sa mga nais magpadala ng tulong “In cash o in-kind”. apela ni Father Cervantes.