Cultural

Panawagan sa bokasyon; Maging payak at manindigan sa katotohanan

Pinaalalahanan ni Capiz Archbishop Jose Advincula ang mga seminarista na iwasan ang makamundong mga bagay na unti-unting sumisira sa pagiging tapat na pastol ng simbahan.

Nababahala din ang arsobispo sa pagkagumon ng tao sa mga materyal na bagay habang nalilimutan ang payak na pamumuhay na lumilingap sa kapwa.

“Materialism runs in every vein of the world today. And sadly, our church is not spared from this disease,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Advincula.

Hinikayat pa ng arsobispo ang halos 500 seminarista ng Visayas na pag-ibayuhin ang pakikipag-ugnayan sa Diyos upang maging ganap na kaisa sa misyon ni Hesus sa pagbabahagi ng mabuting balita dahil sa kanilang pagtugon sa tawag ng Panginoong maglingkod sa sambayanan.

Ang pagninilay ng arsobispo ay kasabay ng pagbukas sa ika-12 Gathering Of Theology Seminarians In The Visayas (GTSV) na ginanap sa Sancta Maria Mater Et Regina Seminarium sa Cagay Roxas City.

Tema ng pagtitipon ay nakabatay sa ikatlong sulat ni San Juan na walang higit na makapagpaligaya sa Diyos kundi ang pamumuhay ng sangkatauhan sa katotohanan.

Binigyang diin pa ni Archbishop Advincula na nakikita ng inang simbahan sa mga magiging pari ang pag-ibig at ang kaloob na maaring ibahagi sa kawan ng Diyos.

“Your vocation to the priesthood is both your personal response to God’s call and the church’s desire to minister to her members,” ani ni Archbishop Advincula.

Sinabi pa ni Archbishop Advincula na hamon sa kasalukuyang panahon ang panindigan sa katotohanan.

Inihalimbawa pa nito ang babala ni San Juan hinggil sa isang Diotrephes na nagpapakalat ng maling impormasyon laban sa kristiyanismo upang madismaya ang mananampalataya na isabuhay ang pananampalatayang kristiyano.

Maging sa loob ng simbahan ayon sa arsobispo ay may mga katulad ni Diotrephes na nagpapanggap na kaisa sa pagpalaganap ng mabuting balita subalit gumagawa ng mga labag sa alituntunin ng Panginoon.

“The modern day Diotrephes in the Church spreads the death of faith by its very works. This more dangerous. This is more detrimental to our walking in truth, to our Christian living,” saad ng Arsobispo.

Dahil dito, sinabi ni Archbishop Advincula na mas malaking banta ang mga mapanirang indibidwal sa loob ng simbahan na magpapahina sa pundasyon ng pananampalataya.

Hamon ng Arsobispo sa mananampalataya na paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa Diyos upang higit na mapagtibay ang pananampalataya sa kabila ng mga pagsubok at paninira sa lipunan.