Nagpahayag ng suporta ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa panawagan ng Commission on Elections na ituring at kilalanin rin bilang frontliners ang mga election officers na patuloy na nangangasiwa sa kasalukuyang voters registration sa kabila ng patuloy na banta ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay PPCRV Communications Director Angel Antonio, marapat lamang na bigyan ng naangkop na pagkilala at pagpapahalaga ang mga na nagsusumikap na magampanan ang kanilang tungkulin sa bayan sa kabila ng banta ng panganib sa kanilang buhay.

Ipinaliwanag ni Antonio na maraming manggagawa ang patuloy na nagsusumikap na magawa ang kanilang tungkulin hindi lamang para sa sariling kapakinabangan kundi para sa nakararami.



“Actually beyond you know the local COMELEC officers, anyone in the government right now doing their duties still despite the lockdown, despite the dangers of you know the pandemic should be really recognized and you know really be applauded for the time, the effort, the service they are giving. So by all means we in support of that, kahit na sino na nagtatrabaho ngayon knowing the risk involve, knowing that there is a call for everyone to just stay at home but still they are going out to do their duties, they should really be recognize and we are in all support for the government recognizing them for still be able to do their duty…” pahayag ni Antonio sa panayam sa Radio Veritas.

Naunang umapela si COMELEC Commissioner Rowena Guanzon sa pamahalaan na kilalanin rin bilang mga frontliners ang mga election officers.

Pansamantalang sarado ang mga tanggapan ng komisyon sa mga lugar na sakop ng NCR Plus Bubble na binubuo ng mga syudad sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal kung saan pinalawig pa ng isang linggo ang Enhanced Community Quarantine mula ika-5 ng Abril dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19.



Magpapatuloy naman ang voters registration sa iba’t ibang bahagi ng bansa kung saan tumatanggap ng application ang mga local election officers tuwing Lunes hangang Huwebes mula alas-otso ng umaga hanggang alas-tres ng hapon.

Batay sa inisyal na tala ng COMELEC, umaabot na sa 2.4 na milyon ang bilang ng mga bagong rehistradong botante kung saan target ng komisyon na makapagtala ng 4.1-milyong mga bagong botante hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang voters registration sa Setyembre.