Cultural

Pananampalatayang Katoliko, buhay na buhay sa kabila ng Martial law sa Mindanao.

Nananatiling puno ng pag-asa ang mga mananampalataya ng Apostolic Vicariate of Jolo, Sulu para sa nalalapit na pasko at pagsisimula ng bagong taon.

Ito ang inihayag ni Sr. Ramona Tendon ng Associate of Notre Dame na siyang Social Action Directress ng Apostolic Vicariate of Jolo, Sulu kaugnay sa paghahanda ng mga mananampalataya sa kapaskuhan at pagtatapos ng taon sa kabila ng umiiral na Martial Law sa buong rehiyon ng Mindanao.

Pagbabahagi ng Madre, sa kabila ng mahigpit na seguridad na ipinatutupad sa lalawigan ay nananatiling puno ang Cathedral of Our Lady of Mount Carmel kung saan pursigido ang mga mananampalataya na mabuo ang 9 na araw na novena bilang paghahanda sa pagsilang ng Sanggol na si Hesus na siyang tagapagligtas ng sangkatauhan.

Bukod dito, inihayag rin ni Sr. Tendon na maging ang mga Katolikong sundalo na naka-deploy sa lalawigan ay nakikiisa rin at nakikibahagi sa isinasagawang Simbang Gabi tuwing alas-singko ng umaga.

“Catholics in Jolo remain faithful with the hope of completing 9 day novena masses. Puno naman ang Cathedral at Carmel, yung mga Catholic na soldiers, they join us sa simbang gabi 5 am po ang mass.”mensaheng ipinadala ni Sr. Ramona Tendon sa Veritas Patrol.

Ang Apostolic Vicariate of Jolo, Sulu na may halos 24,500 mananampalatayang Katoliko sa 5 parokya ay bahagi ng Ecclesiastical Province of Ozamiz na mayorya ng mga residente ay Muslim.

Sa kabila nito nananatili ang payapang pagsasama ng mga Katoliko at Muslim sa lalawigan na isa sa mga mahigpit na binabantayan ng mga militar dahil sa mga dating serye ng mga isinagawang pag-atake ng mga armadong grupo sa lugar.

Matatandaang una na nang binigyang diin ng Kanyang Kabanalan Francisco na walang anumang relihiyon ang nagtuturo ng karahasan at pagdudulot ng kapahamakan sa kapwa sa halip ay mga maling ideyolohiya lamang na nagsisilbing tukso sa mga may mahihinang paninindigan sa tama at kabutihan.