Mga Kapanalig, minsang sinabi ni Pangulong Duterte na “maligaya” siya kapag ang mga “kaibigan [niyang] tumutulong” ay “yumaman… nang yumaman.” Binanggit niya ang mga salitang ito noong isang taon sa isang talumpati at ipinagdidiinang galit siya sa mga oligarchs.

Fast-forward tayo sa kasalukuyan kung saan may mga kaibigan si Pangulong Duterte na diumano’y nakinabang sa mga malalaking transaksyon pa pamahalaan. Hindi pa natin alam kung ikaliligaya niya ito.

Sa pagdinig na ginagawa ng Senado sa pagbili ng Department of Health (o DOH) ng overpriced na face masks at face shields, lumutang ang pangalan ng ilang personalidad na sinasabing kaibigan ni Pangulong Duterte. Masyadong mahal ang pagkakabili ng DOH, sa pamamagitan ng Department of Budget and Management-Procurement Service (o DBM-PS), sa mga nasabing medical supplies. Ang face mask na nasa dalawa hanggang apat na piso lamang bawat piraso ay nabili ng DOH sa halagang halos tatlumpung piso. Ang face shield naman na ang suggested retail price ay hindi lalampas ng singkuwenta pesos bawat piraso ay nabili ng DOH sa halagang mahigit doble ng SRP.

Binili ng pamahalaan ang mga face masks at face shields na ito sa Pharmally Pharmaceutical Corporation, isang negosyong nakaugnay sa Pharmally International Holding Company ng China, na ang mga opisyal ay ipinakilala kay Pangulong Duterte ng kanyang dating economic adviser at negosyanteng kaibigan na si Michael Yang. Negosyante sa Davao si Michael Yang, at minsan nang idinawit ang kanyang pangalan sa illegal drug trade. Samantala, ang dating nangangasiwa ng DBM-PS na si former undersecretary Lloyd Christopher Lao ay kasamahan ni Pangulong Duterte sa kanilang fraternity at dating kasamahan sa Davao City noong mayor pa ng lungsod ang presidente. Ipinagtanggol ng pangulo ang mga kaibigan niyang sangkot diumano sa pagbili ng mga overpriced na face masks at face shields. Pero aniya, kung mapatutunayang may ginawa silang mali, dapat daw silang papanagutin.

Masalimuot ang isyung inuungkat ngayon ng Senado hindi lamang dahil sa mga personalidad na nabanggit kundi dahil ang mga kontratang pinasok ng pamahalaan para bilhin ang mga medical supplies na ito ay nagkakahalaga ng 8.68 bilyong piso! Napakalaging halaga, hindi po ba? Kung mapatutunayang may anomalya sa paggamit ng pondong ito ng DOH at may mga nakinabang rito, napakalaking insulto ito sa ating mga nagbabayad ng buwis, lalo na sa mga medical frontliners na pagod na pagod nang humaharap sa laban natin kontra COVID-19.

Tunay na marami na tayong alalahanin sa buhay, ngunit dapat pa rin nating subaybayan ang mga balitang may kinalaman sa paggamit ng kaban ng bayan, katulad nitong kuwestiyonableng transaksyon ng DOH sa sinasabing pinapaborang kompanya. Buwis natin ang pinangangambahan nating nawaldas dahil sa katiwalian. Sabi nga ni Pope Francis sa Laudato Si’, ang mga patakaran ng isang malusog, ganap, at malayang lipunan ay naglalayong sugpuin ang kurapsyon. Sa Pilipinas, marami na tayong mga patakaran at pamamaraan upang labanan ang katiwalian, ngunit marami rin ang nakalulusot dahil hinahayaan silang lumusot. Marami na tayong natunghayang pagdinig at imbestigasyon tungkol sa mga sinasabing katiwalian sa pamahalaan, pero hindi naman talaga natutuldukan. Nawawalan din ng saysay ang pagpapanagot dahil kinukunsinti ng mga nasa poder ang mga gumagawa ng baluktot. Ang mas nakalulungkot pa, para na rin nating natanggap na “normal” na sa ating bayan ang katiwalian.

Mga Kapanalig, huwag nating hayaang mangyari sa atin ang nasasaad sa Habakuk 1:4, “Ang batas ay walang bisa at walang pakinabang, at hindi umiiral ang katarungan.” Una sa lahat, magkaroon sana ng katuturan ang ginagawang pagdinig ng mga senador. Ikalawa, maging tapat sana ang administrasyon sa pangako nitong paiiralin ang malinis na pamamahala, kahit pa masagasaan ang mga kaibigan ng ating mga lider. Panagutin ang mga dapat panagutin.

Sumainyo ang katotohanan.