Cultural

Pamilya, maaring magbasbas sa puntod ng mga pumanaw na mahal sa buhay

Pinaalalahanan ng opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na mag-ingat sa mga pekeng Pari sa mga sementeryo.

Ang babala ni Bishop Broderick Pabillo, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity ay kasabay na rin ng paggunita ng ‘Todos Los Santos’.

Ipinaliwanag ng Obispo sa mga mananampalataya na maari naman ang pamilya na ang magbasbas sa mga puntod ng kanilang kaanak sa pamamagitan ng panalangin para sa mga namayapa na ipinamamahagi ang kopya sa mga Parokya.

“Tayo na mismo ang magbasbas sa ating mga patay. Huwag na mag-imbita sa kanila. Tayo na mismo pag-nandun tayo sa sementeryo tayo na magdasal maari namang kumuha ng Holy Water sa Simbahan at puwede mag-bless ng patay. Kaya hindi na tayo kailangang mag-imbita ng nandiyan na hindi natin kilala. Mayroon ding prayer na makukuha sa Parokya,” ayon kay Bishop Pabillo.

Tiniyak ng Obispo na walang bayad ang pagbabasbas ng mga pari sa mga puntod na maaring samantalahin ng mga pekeng pari para pagkakitaan.

Ayon naman kay Fr. Stephen Espinosa ng Archdiocese ng Lingayen-Dagupan, hingin sa mga nagpapakilalang pari ang kanilang ‘celebret’ o ang katibayan bilang isang pari.

“Karaniwan namang ginagawa ng mga lehitimong pari kapag pumapasyal sa Catholic cemeteries ay basbasan ang lahat ng mga puntod. Kumbaga hindi naman pupunta ‘yan puntod to puntod’ upang magtanong kung ikaw ba ay magpa-bless at mamaya ay maniningil. Usually ay panglahatan,” ayon kay Fr. Espinosa.

Ang All Souls Day ay ipinagdiriwang ng Nov. 2, subalit tradisyunal na ipinagdiriwang ng mga Filipino ang ‘Araw ng mga Patay’ at pagpunta sa sementeryo tuwing ‘All Saints Day’ o sa unang araw ng Nobyembre.

Higit naman sa 32 libong mga pulis at 87 libong mga volunteers ang itinalaga ng Philippine National Police at lokal na pamahalaan para pangasiwaan ang kaligtasan ng mga dadalaw sa mga puntod.