Pamaskong handog ng Simbahan sa mga bilanggo - Veritas846
500 Years of Christianity CountdownCountdown

Pangungunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang isang thanksgiving mass para sa mga bilanggo ng National Bilibid Prison sa Muntinlupa city sa ika-30 ng Disyembre 2017.

Ang thanksgiving mass ay isa ring biyaya at pamaskong handog ni Cardinal Tagle sa may 140-inmates na nagtapos sa “PaRelease Me program” ng Maximum Security Prison.

Nauna rito, umaapela sa pamahalaan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na pagkalooban ng executive clemency ang mga bilanggo ngayong pasko.

Ayon kay Puerto Prinsesa, Palawan Bishop Emeritus Pedro Arigo, dating chairman ng kumisyon isang napapanahong pagkakataon ang kapaskuhan upang magkaloob ng executive clemency si Pangulong Rodrigo Roa Duterte partikular na sa mga matatanda at may mga sakit na mga bilanggo na nakapagsilbi na ng kanilang sintensya.

Dagdag pa ng Obispo ang kalayaang matatamo ng mga bilanggo mula sa ipagkakaloob na executive clemency ay hindi lamang isang magandang pamasko ng Pangulo sa mga bilanggong nagkasala sa lipunan kundi maging sa kanilang mga pamilya.

“In the spirit of Christmas nag-aappeal tayo sa administrasyon please naman, please ang dami dami talagang dapat bigyang ng executive clemency eh baka naman isang pirma lamang yan ay mabibigyan natin ng talagang happy merry Christmas ang mga tayong ito and even their family…” pahayag ni Bishop Pedro Arigo sa panayam sa Radio Veritas.

Kaugnay nga nito noong ika-6 ng Marso ng kasalukuyang taon ay una nang ginawaran ng executive clemency ni Pangulong Duterte ang 27-matatanda at may mga sakit na bilanggo mula sa iba’t ibang bilangguan.

Ang 27 mga bilanggo na nagawaran ng executive clemency ay ang unang batch pa lamang ng inaasahang pagkakalooban ng naturang pardon mula sa 127 inmates na inirecomenda ng Board of Pardons and Parole sa ilalim ng Department of Justice.

Sa panlipunang turo ng Simbahan ang pasko ay sumisimbolo sa dakilang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan nang kanyang ipag-adya ang kanyang bugtong na anak upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan, dahil dito tinatawagan rin ang lahat na iparamdam sa kapwa ang pag-ibig, habag at maging awa at pagpapatawad ng Panginoon sa mga nagkasala.