Binigyang diin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity na hindi maaaring balewalain ng bawat mamamayan ang usapin ng pulitika sa pagpapalamas ng pagmamahal sa bayan.

Ito ang binigyang diin ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng kumisyon sa naganap na Online Conversations on the 2022 National Elections ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas.

Ayon sa Obispo, may kaugnayan ang usapin ng pulitika sa pananampalataya sapagkat kaakibat ng pag-ibig na sukatan ng pananampalataya ay ang pagmamahal hindi lamang para sa kapwa kundi maging para sa bayan na hindi kadalasang napag-uusapan at nabibigyang prayoridad.

“Gusto ko lang po iugnay ang ating gawain sa ating pananampalataya, alam po natin na ang ating pananampalataya ang pinaka-measurements po ay love, pag-ibig pero kapag pinag-uusapan ang pag-ibig madalas ang iniisip natin ay yung pag-ibig lang ng tatay sa magulang, sa anak, sa asawa, sa kaibigan, sa katrabaho, sa ka-brother, ka-sister. Hindi natin napag-uusapan yung love of country pag-ibig sa bayan, pag-ibig din po yan. Kaya what we are doing today is to promote love of country and when we speak about love we want to give the best.” pahayag ni Bishop Pabillo.

Slider

Paliwanag ng Obispo, bahagi ng pagmamahal sa bayan ay ang pagtiyak ng kaayusan at kabutihan ng bansa. “sa love of country you want to give the best for our country, we cannot remain indifferent, we cannot remain apathetic kaya ngayon po napag-uusapan natin ano yung ating involvement sa pagdating ng eleksyon.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.

Umaasa naman si Bishop Pabillo na magsilbing inspirasyon at hudyat ang talakayan upang higit na makibahagi sa mga usaping pampulitika ang bawat isa lalo na para sa paghahanda sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.

Giit ng Obispo, hindi dapat na ituring na madumi ang pakikibahagi sa usaping pampulitika sapagkat maging ang mga Santo Papa ng Simbahang Katolika ay naniniwalang ang pulitika ang isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa dahil sa pagtutok nito sa ikabubuti ng lahat o sa common good.

“I hope after this conversation we have to do something, we give the best for our country. So huwag nating isipin na kapag pinag-uusapan pulitika na yan ay kaagad na madumi, lahat tayo magiging involve sa pulitika because as our popes have been telling us politics is a way of loving, a higher form of love for the common good, for the good of the country kaya you have to be involve.” pagbabahagi pa ni Bishop Pabillo.

Ayon kay Laiko President Bro. Rouquel Ponte mahalaga ang nakatakdang pambansang halalan sa susunod na taon para maisaayos ang kalagayan ng bayan gayundin upang higit na mapabuti ang kapakanan ng bawat mamamayan.

Nagsilbing pangunahing tagapagsalita sa Online Conversations on the 2022 National Elections ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas si dating COMELEC Chairman at isa sa mga nagbalangkas ng 1987 Constitustion ng bansa na si Atty. Christian Monsod.