349 total views
Kinilala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang nakatakdang pakikipagpulong ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga Overseas Filipino Workers bilang bahagi ng kanyang pagbisita sa Israel at Jordan.
Ayon kay Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Kumisyon na ang plano ng Pangulo ay nagpapakita ng pagpapahalaga at suporta ng pamahalaan sa pagsasakripisyo ng mga OFW.
Naniniwala din ang Obispo na makapagdudulot ng karagdagang kumpiyansa at lakas ng loob sa mga OFW ang pakikipagpulong ng Pangulong Duterte sa kanilang hanay.
Maituturing din itong isang katiyakan para sa mga manggagawang Filipino sa ibayong dagat na patuloy na kinikilala ng pamahalaan ang kanilang pagiging mga bagong bayani.
“To meet and to speak with our OFWs there is to give them sense of Importance and Solidarity. And reiterate to them his Gratitude for services to their Family and our Country; and his appreciation of their hard work and honesty with their Employers. And promise them with actions that he would protect their Rights, balikbayan boxes and prosecute, punish who will victimize them here.” mensahe ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Nakatakda ang official visit ni Pangulong Duterte sa Israel sa ika-2 hanggang ika-5 ng Setyembre na susundan naman ng kanyang pagbisita sa Jordan mula ika-5 hanggang ika-8 ng Setyembre.
Ang nakatakdang official visit ni Pangulong Duterte ay ang kauna-unahang pagbisita ng Pangulo ng Pilipinas sa dalawang bansa sa Gitnang Silangan.
Kabilang sa mga nakahanay na gawain ni Pangulong Duterte sa Israel at Jordan ay ang pakikipagpulong at pakikipagkasundo sa mga Opisyal ng dalawang bansa kaugnay sa usaping pang-Ekonomiya at ang personal na pakikipagpulong sa Filipino community sa parehong bansa.
Batay sa tala ng Department of Foreign Affairs mayroong 28,300 ang mga Filipino sa Israel habang mayroon naman higit 48,000 Filipino sa Jordan.
Naunang binigyang diin ni Bishop Santos na dapat bigyang paggalang at pagkilala ang mga OFW na tinaguriang mga ‘bagong bayani’ ng bansa.
Read more: Kilalanin ang mga OFW