195 total views
Ito ang panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa mas tumataas na bilang ng mga napapaslang sa ‘War on Drugs Campaign’ ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay CBCP President at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas, lahat ng tao ay pantay-pantay sa harap ng batas at kahit maging ang isang kriminal ay hindi dapat tanggalan ng karapatan na mabuhay.
“Libu- libo na ang namatay, sana ay maibalik natin yung sense of humanity sa atin na hindi lang siya kriminal because even criminals have rights also. Hindi nababawasan ang ating dignidad bilang tao dahil tayo’y nagkasala so sana ibalik natin yung pamamayani ng batas at hindi yung pamamayani ng baril,” pahayag ni Archbishop Villegas.
Kaugnay nito ay binigyang-diin ng Arsobispo na bahagi ng responsibilidad ng Simbahang Katolika na maging pastol na gagabay sa mga taong nagkasala kaya hindi maaalis kung nadidismaya ang simbahan sa sunod-sunod na patayan na nagaganap sa bansa.
“Ang misyon po ng simbahan ay palaging dalawa; una ay maging propeta na tagapagturo at kung kailangan ay i-denounce ang mali subalit kasabay ng pagiging propeta, ang simbahan ay taga-hilom din..so sana makita ninyo ang simbahan kung sakali kaming magsasalita laban sa mga masasamang pangyayari hindi para ibagsak ang sinuman kundi para iwasto at dahil mawawasto ay bubuti at gaganda,” panawagan ni Archbishop Villegas.
Sa inilabas na datos ng Philippine National Police noong ika-26 ng Hulyo, umabot na sa 3,451 ang bilang ng napatay sa mga operasyon na isinagawa ng pulisya kontra iligal na droga.
Subalit ayon sa ulat ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA), humigit kumulang 12-libo na ang mga nasawi sa war on drugs campaign ng pamahalaan kabilang na ang mga pinaniniwalaang napaslang ng mga vigilante.
Nauna rito, nanawagan ang CBCP President at Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle na wakasan na ang pagpatay sa mga hinihinalang sangkot sa illegal na droga.
Read: Reflect, Pray and Act
Kampana ng Konsensiya
Patuloy pa rin ang paghihikayat ng Simbahang Katolika sa bawat Filipino na magkaisang labanan ang culture of death sa bansa sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kasagraduhan ng buhay na isang regalo mula sa Diyos.