Cultural

Pagwawakas ng karahasan at patayan, kahilingan ng mga taga-Cebu kay Saint Padre Pio.

Isama sa ating pananalangin ang kapayapaan, pagtatapos ng karahasan at patayan.

Ito ang kahilingan ni Cebu Auxiliary Bishop Oscar Jaime Florencio sa mga deboto ni Santo Padre Pio sa pagbisita ng kaniyang ‘incorrupt heart’ sa Cebu City simula sa ika-11 hanggang ika-14 ng Oktubre.

“And at the same time Pray also for Peace and for, hindi na kaaya-aya na pangyayari tulad ng pagpatay dito sa Cebu and all other na ang mga tao na tumigil na sa hindi kaaya-ayang paglabag sa batas,” ayon kay Bishop Florencio sa panayam ng Radio Veritas.

Dagdag pa ng Obispo, dapat maging pananggalang laban sa karahasan ang pagdarasal at pagsasabuhay ng kabutihan.

Noong October 4, lima katao ang napatay sa isang pananambang sa Malubog Cebu kung saan isa sa dalawang ‘survivor’ ang nasa kalinga ng Arkidiyosesis.

Bukod pa ito sa pagkakapaslang sa 9 katao kaugnay naman sa ‘one time, big time police drug operation’ sa Talisay, Cebu at Lapu-Lapu City.

“And to live-up to Christian ideals and be more prayerful because the devil is also working double time. Even there are many Saints and incorrupt relics and so forth. Kung hindi din tayo magdarasal the devil will still even use the relics to his advantages,” ayon kay Bishop Florencio.

Alas-11 ng umaga ang inasahang pagdating ng ‘Incorrupt Heart’ ni Padre Pio mula sa Maynila at dadalhin sa Cebu Metropolitan Cathedral.

Pangungunahan naman ni Cebu Archbishop Palma ang ‘Welcome Mass’ na susundan naman ng ‘veneration’ para sa mga deboto ni Padre Pio.

Bukod sa pagbibigay galang sa ‘Incorrupt heart’ ni St. Padre Pio, magkakaroon din ng vigil at katesismo para sa mga deboto.

Dadalhin din ang ‘hindi naagnas na puso’ ni Padre Pio sa IEC-3 Convention Center para naman sa isasagawang ‘recollection’ ng mga pari at religious congregation ng Cebu bilang bahagi ng pagdiriwang ng simbahan ng ‘Year of the Clergy and Consecrated Person’.

Ang Archdiocese of Cebu ay binubuo ng walumput walong porsiyento ng mga katoliko mula sa kabuuang limang milyong populasyon.

Ang arkidiyosesis din ay may higit sa anim na raang mga pari na silang nangangasiwa sa 165 na mga Parokya.