politics

Pagsapubliko ng AFP sa mga paaralan na sangkot sa Red October plot, magdudulot ng takot.

Lilikha lamang ng takot at pangamba sa Publiko ang inilabas na listahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng mga Paaralan at Unibersidad sa ‘Red October’ plot.

Ito ay kaugnay na rin sa recruitment ng makakaliwang grupo sa mga estudyante para makibahagi sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Bro. Armin Luistro, FSP, Pangulo ng Dela Salle University, ang alegasyon ng AFP ay maaring magdulot ng pangamba sa mga magulang at mga estudyante sa mga paaralan.

“Ang ginagawa naman usually kapag ganiyan, merong kang mga lider sa mga pamantasan di ba kinakausap mo kaagad yung mga pamunuan niyan. Sabi nila may mga parents na concern ‘yan ang kailangan dinadala nila dun sa mga universities para mapakinggan,” ayon kay Luistro sa panayam ng Radio Veritas.

Sinabi ng dating kalihim ng Edukasyon na dapat ay nakipagpulong muna ang AFP sa mga pinuno ng mga binabanggit nilang paaralan.

“I’m sure the University officials are very willing to listen to those. Kung ilalabas, anong magagawa nyan kung meron kang impormasyon lalu na’t unverified tapos ilalabas mo sa media, ano yun para panakot lang? kung gusto nating solusyunan kausapin natin makipag-dialogue tayo sa mga University Officials,” ayon pa kay Luistro.

Sa ulat ng AFP, labing walong Unibersidad kabilang na ang Katolikong paaralan na University of Santo Tomas at Dela Salle University na sinasabing ginagamit na lugar ng mga makakaliwang grupo para manghikayat ng kabataan.

“Ano ba ang ipinaglalaban ng tinatawag nilang komunista? Hindi lahat ng bumabatikos sa Gobyerno o kritikal ay Komunista, lumang tugtugin na ‘yan,” dagdag pa ni Luistro.

Una na ring binibigyang halaga ng Santo Papa Francisco ang tungkulin ng mga katolikong paaralan sa paghuhubog ng mga kabataan para sa lipunan.