Nakita natin ang galing at dedikasyon ng mga healthworkers sa ating bayan. Sinubok sila ng todo ngayong panahon ng pandemya. Hindi sila natinag. Sige pa rin kahit na buhay nila mismo ang nakataya. Kapanalig, atin bang binibigyang pugay ang kanilang sakripisyo?

Ayon sa isang pag-aaral, ang ating bansa ang may pinaka-mababang sweldo para sa mga nurses at medical technologists sa anim na bansa sa Association of Southeast Asia Nations (ASEAN). Ayon sa pag-aaral, lowest rank tayo pagdating sa sweldo, at malayo pa sa bottom 2nd, ang Viet Nam. Mas mababa pa ng 57% ang sweldo ng ating mga nurses kaysa sa Viet Nam. P40,380 kada buwan lamang sa atin, habang sa Viet Nam, P63,200. Para sa mga med tech, P29,444 lamang ang sweldo sa ating bansa kada buwan, habang P57,000 naman sa Viet Nam.

Ang bilang na iyan ay mataas pa kumpara sa entry-level salary ng mga nurses ng bayan. Ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE), ang isang bagong pasok na nurse ay may sweldo na may halagang P8,000 – P13,500 kada buwan. Ang mga registered nurses ay may average na sweldong 9,757 kada buwan. Sa government hospitals, mga P13,500, sa mga pribado, P10,000 lamang. Sa US, nasa $3,800 ang sweldo nila kada buwan, sa United Kingdom, £1,662, at sa Canada $4,097. Entry level pa lamang iyan.

Kaya nga’t hindi nakakapagtaka na maraming mga nurses sa ating bansa ang pumipiling magtrabaho sa ibang bansa. Ang sweldo dito, para sa kanila, ay hindi kayang bumuhay ng pamilya. Pag nagsisimula ka pa nga lang, minsan, sila pa ang naglalabas ng pera para sa kanilang training. Ubos na oras nila, ubos pa pera nila. Ang nakakalungkot, ang pagpasok nila sa trabaho ngayon, laging may banta pa sa buhay nila dahil sa pandemya.



Kung mababa ang sweldo ng nurses at medtech, isipin na lamang natin ang kita ng mga barangay health workers o BHWs sa ating pamayanan, kapanalig. Kilala niyo ba sila o napapansin nyo man lang? Ang mga BHWs kapanalig ay mga barangay workers na nag-iikot sa ating mga pamayanan. Bago magpandemya, masigasig silang nagha- house to house. Tinitimbang ang inyong mga anak, dinadalaw ang mga buntis at may sakit, naglilista ng mga tao. Ginagabayan din nila ang mga dumadating sa mga health centers para magpa-bakuna at magpa-check up.

Kapanalig, ang mga BHWs na ito ay mga health workers din ng bayan. Karamihan sa kanila, volunteers lamang. Honorarium o allowance lamang po ang natatanggap kahit pa halos araw araw silang nasa mga health centers. Kulang pa ang allowance nila para sa serbisyong kanilang binibigay.

Kailangan natin bigyag pugay ang mga health workers ng bayan kapanalig. Sila ang sandigan natin sa mga krisis ng bayan. Lagi silang nakahandang magsilbi sa atin. Ang sweldo nila ay hindi minsan matapatan ang kanilang serbisyo, kaya’t panahon na upang mabago ito. Nataasan na kapanalig ang sweldo ng pulis at sundalo. Paano naman ang mga kawani natin sa larangan ng kalusugan? Akmang akma ang mga kataga mula sa Rerum Novarum sa isyung ito: Among the most important duties of employers, the principal one is to give all workers what is justly due them. Kailangan nating magtaguyod remuneration system na makaturangan para sa lahat, hindi lamang sa iilan.

Sumainyo ang Katotohanan.