politics

Pagpapatupad ng katarungang panlipunan, hiling ni Cardinal Quevedo sa mga opisyal ng gobyerno

Nagpahayag ng pakikibahagi si Cotabato Archbishop Emeritus Orlando Cardinal Quevedo, OMI sa prayer intention ng Kanyang Kabanalan Francisco para sa buwan Hulyo ngayong taon.

Ayon kay Cardinal Quevedo, isa ang Pilipinas sa lubos na nangangailangan ng mga lider na may buong katapatan at pagmamahal sa mamamayan na naghahangad ng pantay at pangkalahatang katarungan sa lipunan.

Paliwanag ni Cardinal Quevedo na siya ring Chairperson ng CBCP – Episcopal Commission on Doctrine of the Faith, mahalaga ang pagiging matapat at personal na pagnanais ng mga opisyal na maipatupad ang katarungang panlipunan.

Tinukoy ng Kardinal ang kasalukuyang sitwasyon sa Pilipinas kung saan patuloy na nagaganap na ang karahasan at pagsasantabi sa mga batas na dapat pangunahing umiiral sa bayan.

Pinuna din Cardinal Quevedo ang kalagayan ng mga bilanggo na nagsisiksikan na sa mga bilangguan sa buong bansa dahil na rin sa mabagal na pag-usad ng paglilitis sa hukuman.

“Our country needs people with integrity to govern us, people of justice who not only kill because of suspicions, our country needs justice for those who are in prison or condemned to die without due process of law lingering in prisons for a long long time. So we need to think of them for the intention of the Holy Father as well as for integrity in our land and justice in our land”. pahayag ni Cardinal Quevedo.

Kaugnay nito, inilaan ng Kanyang Kabanalan Francisco sa pagkakaroon ng pangkalahatang katarungan ang kanyang prayer intention ngayong buwan ng Hulyo.

Bahagi ng prayer intention ni Pope Francis ang kahalagahan ng pagiging matapat ng mga opisyal tulad ng mga hukom, mahistrado at iba pang mga nasa katungkulan kung saan nakasalalay ang pagkakaroon ng katarungang panlipunan.

Umaasa rin ang Santo Papa na hindi magtagumpay ang anumang uri ng kawalang katarungan sa lipunan kung saan dapat na mamayani ang patas na karapatan at hustisya para sa lahat.

Bukod dito, bahagi rin ng panalangin ni Pope Francis ay ang magsilbing daluyan ng Mabuting Balita ng Diyos ang bawat isa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan at pagkikipagkuminikasyon ng puno ng pag-ibig para sa kapwa.

Samantala patuloy rin ang panawagan ng Simbahang Katolika sa mahigit 104 milyong mga Filipino na na mayorya ay mga Katoliko na pagsumikapang mamuhay sa katotohanan at gamiting gabay ang salita ng Diyos sa pagsusulong ng makabubuti para sa bayan.