Muling hinikaya’t ng Filipino Dominican priest na isang ‘Molecular Biologist’ ang mga mananampalataya na magpabakuna bilang pananggalang mula sa nakamamatay na novel coronavirus.

Ayon kay Fr. Nicanor Austriaco, OP-visiting professor ng Biological Sciences sa University of Santo Tomas, ito ay para sa kaligtasan hindi lamang ng sarili gayundin ng ating mahal sa buhay lalu ang mga kabataan at nakatatanda mula sa pandemya.

“So, the only way out of this pandemic is really to have a robust vaccination strategy for the entire country,” ayon kay Fr. Austriaco sa panayam ng Veritas Pilipinas.

Si Fr. Austriaco na nakabase sa Estados Unidos ay nakatanggap na rin ng kanyang ikalawang dose ng bakuna laban sa Covid-19 noong Pebrero.

“The only way, we will stop having quarantines is if we are able to vaccinate up to 70-75 percent of the entire Philippines, which is about all the adults in the Philippines. So, if we are not able to vaccinate all of these people then our children will not able to go to school for another year and our Lolo’s and our Lola’s will still be in their homes for another year,” ayon pa sa pari.

Ayon sa pari na nakumpleto na ang ikalawang dose ng bakuna, tulad ng kanyang karanasan ay karaniwan na ang makaramdam ng ‘side effects’ na siyang pangunahing alalahanin at pangamba ng publiko na magpabakuna.

Giit ng pari ang mga side effects ay pansamantala lamang at palatandaan din na gumagana ang gamot sa ating katawan.

Sa resulta ng Veritas Truth Survey (VTS), may 67-porsiyento ng mga sumagot sa survey ang hindi sang-ayon na magpabakuna.

Paliwanag ni Fr. Austriaco, ang pagpapabakuna ay ang tanging paraan upang matapos ang mga umiiral na community quarantines ay makabalik sa karaniwang pamumuhay ang publiko.

“And herd immunity is where the people who lived with Lolo’s and Lola’s plus the people who lived around them vaccinated to prevent the virus from getting close to them,” ayon pa sa panayam.



Ayon sa pari, bukod sa hindi garantiya na hindi na mahahawa ng sakit ang matatanda, hindi rin aprubado ang bakuna para sa mga batang edad gayundin sa mga nagtataglay ng malubhang sakit.

Ayon pa kay Fr. Austriaco sa kasalukuyan ay may 110-milyong katao na sa buong daigdig ang nakatanggap ng bakuna kontra covid-19 o katumbas ng apat na milyong binabakunahan kada araw.

Sa Pilipinas, kailangang mabakunahan ang 70 hanggang sa 75-milyong katao o 75-porsyento ng kabuuang populasyon ng bansa.

Sa kasalukuyan patuloy na umiiral ang General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa iba’t ibang bahagi ng pilipinas bilang pag-iingat sa patuloy na pagkalat ng Covid-19.