Cultural

Pagpanibaguhin ang mundo, gamit ang salita ng Diyos

Ito ang hamon sa gaganaping Philippine Conference on New Evangelization na ngayon ay nasa ika-anim ng taon.

Ayon kay Fr. Jayson Laguerta–director ng Office for the Promotion for the New Evangelization (OPCNE), ang salita ng Diyos ay hindi naluluma, subalit nagbabago ang mga pamamaraan, sitwasyon, at kultura na kinakailangang sabayan ng simbahan.

Naniniwala si Father Laguerta na ang pagsasagawa ng PCNE ay isang pamamaraan lamang ng pagpapakita ng patuloy na pangangaral at pakikipagdiyalogo ng simbahan sa mga mananampalataya kaugnay sa mga bagong suliranin na kinakailangan ng moral na paggabay mula sa simbahan.

“Yung New Evangelization, pagtitipon ng mga Kristiyano, Katoliko na naghahangad na payabungin pa at ibahagi pa yung mabuting balita sa lahat sa iba’t-ibang kaparaanan. Ang New naman sa New Evangelization, hindi naman naluluma ang ebanghelyo ang bago ay mga bagong sitwasyon, bagong pamamaraan, bagong kultura ng mga tao.” Bahagi ng pahayag ni Father Laguerta sa panayam ng Radyo Veritas.

Naniniwala naman si Fr. Laguerta na isang malaking hamon sa makabagong ebanghelisasyon ang paggabay sa mga LGBT upang makilala nito ang kanilang sarili at matuklasan ang kalooban ng Diyos.

Naniniwala ang pari na hindi dapat huminto ang simbahan at ang mananampalataya sa pakikipag-usap at pag-unawa sa sitwasyon at sa pagsaliksik sa mga turo ng Panginoon upang sa tulong din ng Espiritu Santo ay makamit ng bawat isa ang katotohanan.

“The challenge of New Evangelization is to renew the world through the Gospel, kaya yung LGBTQ issue ng gender, bahagi din s’ya ng evangelization kasi hindi tayo natatapos sa pag-uusap sa discernment, sa paghahanap kung ano ba talaga ang sinasabi sa atin ng Panginoon sa sitwasyon ng buhay natin. Kaya kapag bukas ang puso ng tao sa kalooban ng Diyos, sa Espiritu Santo, makakarating tayo sa katotohanan, never ending dialogue, never ending discernment on where the spirit is leading us,” dagdag pa ni Fr. Laguerta.

Ang PCNE6 ngayong 2019 ay nakatuon sa mga kabataan bilang bahagi ng pagdiriwang ng simbahan sa Pilipinas ng Year of the Youth bilang paghahanda sa ika-500 taon ng Kristiyanismo sa bans.

Tema sa pagtitipon ngayon ang “Filipino Youth walking with Jesus” at inaasahang libu-libong mga mananampalataya ang dadalo sa tatlong araw na kumperensya.