Naniniwala ang ilang mga eksperto na makakatulong sa pag-iisip ng mga Senior Citizen o nakakatanda ang paglilingkod sa Simbahan.

Sa panayam ng programang Caritas in Action kay Ms. Roselle Tedosio, isang Psychologist mula sa Childfam possibilities, sinabi nito na isa sa mga maaaring makatulong upang maiwasan ang mga pagbabago sa ‘mood’ o pag-uugali ng mga nagkaka-edad ay ang pagiging miyembro sa Church groups.

Aminado si Teodosio na hindi maiiwasang magkaroon ng pagbabago sa pag-uugali ng tao kapag ito ay nagkaka-edad na dahil sa tinatawag na Physical and Psychological changes.

Naniniwala si Teodosio na ang pagdalo o pagsali sa mga church activities ay nakakatulong sa mental health ng isang indibidwal lalo na kung ito ay retirado na sa pagtatrabaho o naghahanap ng mapaglilibangan.

Mahalaga rin aniya ang ibayong pag-unawa sa mga nakatatanda.

“talagang maraming factors naiisip natin na kapag tumatanda nagbabago ang ugali intindihin natin minsan na ganun diba kapag naririnig ng mga kasamahan natin na mas nakatatanda masakit, kasi ang dating wala na akong pakinabang. Isa yun sa mga dagok sa mga matatanda na nababalewala na sila at wala na silang pakinabang.”

“Pinakamaganda din kung maging active sila[elders] tulad sa Church, malaking bagay yun para sa kanilang mental health.” Pahayag ni Teodosio

Batay sa datos, tinatayang nasa 9.4 Milyon indibidwal ang maituturing na senior citizens sa Pilipinas o mga nasa edad na 60 pataas.

Rowel Garcia

By Rowel Garcia

Rowel Garcia Disaster Coordinator