Economics

Pagkakasagip ng mga OFW sa Denmark, pinuri ng CBCP

Ikinatuwa ng Obispo ang pagkasagip sa mga Overseas Filipino Workers sa Denmark na nakararanas ng hindi kaaya-ayang pamumuhay sa kanilang pinagtatrabahuan.

Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People, magandang balita ito para sa kamag-anak ng mga biktimang OFW at nakababawas sa kanilang alalahanin.

“It is a huge relief and consoling news that our 22 OFWs in Denmark were rescued from demeaning and dehumanizing living conditions.” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.

Dahil dito hinimok ng Obispo ang pamahalaan na pag-ibayuhin ang pagsusulong sa karapatan at kapakanan ng mga Filipinong naghahanapbuhay sa ibayong dagat.

“The Government priority should always be the protection and preservation of rights and dignity of our OFWs. All means and government resources should be used for the promotion of wellbeing.” ani ng Obispo.

Iginiit ng Obispo na dapat mapanagot at maparusahan ang mga mapanamantala at pabayang indibidwal na nambibiktima ng mga maliliit na manggagawa at walang boses sa lipunan.

Kaugnay dito, nagpasalamat ang Department of Foreign Affairs sa mga otoridad ng Denmark na tumulong sa pagsagip sa 22 OFW sa Padborg Denmark na pawang mga truck drivers.

Tiniyak ng Department of Labor and Employment na kumikilos ang pamahalaan upang imbestigahan ang sitwasyon at makamit ng mga OFW ang katarungan.

Magugunitang sa ensiklikal ni Pope John XXIII na Mater Et Magistra o On Christianity and Social Progress binigyang diin dito na nararapat magtulungan ang lahat ng institusyon ng Simbahan at estado sa pagtataguyod ng kabutihan at pagsusulong sa dignidad ng buhay ng tao.

Batay sa ulat ng Interagency Council Against Trafficking ng Estados Unidos noong 2017, tinatayang sampung milyong Filipino sa ibayong dagat ang biktima ng sex trafficking at forced labor habang tumataas naman ang bilang ng sex child trafficking sa mga malalayong kanayunan sa bansa.