Cultural

Pagkakaloob ng pabahay sa mga mahihirap, tungkulin ng pamahalaan

Tungkulin ng pamahalaan ang magkaloob ng pabahay sa mga mahihirap na walang tirahan.

Ito ang inihayag ni Rev. Fr. Anton CT Pascual ang executive director ng Caritas Manila at pangulo ng Radyo Veritas hinggil sa usaping pang-aagaw ng bahay ng mga kasapi ng grupong Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay sa San Isidro, Rodriguez Rizal.

“The kadamay group has the right for socialized housing. Its the responsibilty of the government to provide such.” ang pahayag ni Fr. Pascual sa Radyo Veritas.

Nilinaw ng pari na bagamat karapatan ng grupo ang magkaroon ng socialized housing, iginiit nito na walang dignidad sa doleout o pagbibigay ng walang kapalit.

“We dont believe in doleout. Theres no dignity there.” dagdag ng pari.

Sa pagiging executive director ni Fr. Pascual sa Caritas Manila, naglunsad ito ng mga programang makatutulong sa mga mahihirap na magkaroon ng hanapbuhay at magkaroon ng sariling kita.

Kabilang dito ang Caritas Margins na nagbibigay ng libreng skills training sa mga mahihirap na komunidad at sektor sa lipunan na layong hubugin upang maging social entrepreneurs.

Ang mga produktong gawa ng mga sumailalim sa pagsasanay ng Caritas Margins ay ibinebenta sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Caritas Margins Expo kung saan hinihikayat ang mamamayan na bumili ng kanilang produkto upang makatulong sa mga mahihirap na kumita.

Dahil dito naniniwala si Fr. Pascual na may kakayahan ang mga mahihirap na magbayad sa abot kayang halaga ng pabahay.

“We dont believe in doleout. Theres no dignity there. The POOR has the capacity to pay. Just make it affortable and long term socialized housing. No one is so poor that he cannot pay.”

Bukod sa Caritas Margins ay itinatag ng Caritas Manila ang Youth Servant Leadership and Education Program o YSLEP na layong tulungan ang mga estudyante na walang kakayahang mag-aral na makapagtapos sa pag-aaral at magiging mga servant leaders na handang tumulong sa iba pang mangangailangan.

Naniniwala ang pari na mahalagang salik ang edukasyon upang makaahon sa kahirapan ang bawat mamamayan.

Sa tala ng Caritas YSLEP, mahigit sa 5-libong mag-aaral sa bansa ang tinutulungan ng Caritas Manila.

Sa mensahe ng Kaniyang Kabanalang Francisco sa unang World Day of the Poor binigyang diin nito na ang pagmamahal sa mahihirap ay nararapat na ipakikita sa gawa at hindi sa salita lamang.