Cultural

Pagkaisahin ang mga mananampalataya, hamon sa PCCRS

Hamon sa Philippine Catholic Charismatic Renewal Services ang pagkaisahin ang mananampalataya bilang daluyan ng biyaya ng Panginoon.

Ito ang pahayag ni Bro. Cadio Tamayo, President at Chairman ng Board of Trustees ng organisasyon kasabay ng pagsasagawa sa kauna-unahang National Charismatic Service Assembly na ginanap sa Elim Global Headquarters sa Quezon City.

“Our team has been place its accepting the same message and challenge by Pope Francis of what the Catholic Charismatic Renewal should be, which is really the current of grace or the flood of grace in the Church and for the Church.” pahayag ni Tamayo sa Radio Veritas.

Tema sa pagtitipon ang Catholic Charismatic Renewal: Current of Grace in the Church and for the Church kung saan ito ay tugon ng pakikiisa sa panawagan ng Kanyang Kabanalan Francisco ang pagkakabuklod-buklod ng sambayanan ng Diyos.

Dinaluhan ng iba’t ibang grupo ng Catholic Charismatic sa buong bansa ang pagtitipon na kapwa positibo sa panawagan ng Pinunong Pastol ng Simbahang Katolika na pag-ibayuhin ang pagpapalaganap ng Misyon ng Simbahan.

Samantala binigyang-diin ni Rev. Fr. Bartolome Pastor, spiritual director ng PhilCCRs na pinaigting ng mga Charismatic group ang pangangaral sa mga Salita ng Diyos upang maabot ang mga mananampalataya sa bansa na tumatamlay ang pananampalataya.

Ayon kay Fr. Pastor, tinatayang mahigit sa 22-milyong Filipinong Katoliko ang aktibo sa mga Charismatic Renewal sa buong Pilipinas habang 25 milyon naman ang mga non-evangelical Christians.

Ang Pilipinas ang pangalawa sa may pinakamalaking populasyon ng mga Charismatic sa mahigit 800 milyong kasapi sa buong mundo kasunod ng Brazil.