205 total views
Suportado ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang desisyon ni Vice President Leni Robredo na tanggapin ang alok ng administrasyon na maging drug czar.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity kapuri-puri ang mithiin ng bise presidente sa pagtanggap na maging bahagi ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), ang sagipin ang buhay ng mamamayan.
“I support the decision of VP Lenie to take on the challenge to be the drug czar. Her purpose for taking on this charge is clear – to save human lives and to make government accountable for its actions,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Nauna nang sinabi ni Robredo na nais nito ang rehabilitasyon sa mga taong nalulong sa ipinagbabawal na gamot at hindi ang pagpaslang ang tugon sa lumaganap na iligal na droga sa bansa.
Sa talumpati ng bise presidente sinabi nitong handang pasanin ang posisyong iniatang ni Pangulong Rodrigo Duterte kung ito ang pagkakataong matigil ang patayan sa lipunan na nadadamay kahit mga inosenteng indibidwal at mapanagot ang mga sangkot sa pagpaslang.
Umaasa si Bishop Pabillo na magkaroon ng pagkakaisa ang gobyerno tungo sa pagsulong at sa ikalulutas ng suliranin sa iligal na droga kung saan mahigpit na ipatupad ang batas upang mapanagot ang mga ‘bigtime drug dealers’ sa halip na paslangin ang mga maliliit na taong sangkot sa ipinagbabawal na gamot na karamihan ay mahihirap.
“I hope the government agencies cooperate with her efforts and intentions,” ani ni Bishop Pabillo.
Samantala, bagamat may pag-alinlangan si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, ang vice president ng CBCP sa desisyon ni Robredo, hinangaan nito ang pagiging matapang ng bise presidente para isulong ang makataong pamamaraan sa pagsugpo sa talamak na suliranin ng droga sa bansa.
“I admired her for her bold decision. I admired her even more for her sincerity,” pahayag ni Bishop David sa Facebook post.
Tiniyak rin ni Bishop David na kaisa ang simbahan sa pagtugon sa mga suliraning panlipunan subalit iginiit ang paggamit ng wasto at makataong pamamaraan.
“The Church is a partner of government in every sincere effort to solve the problem of illegal drugs firmly but humanely, to address it at its roots but respect human lives and human rights,” ani ng Obispo.
Kapwa ipinanalangin ng mga lingkod ng Simbahan ang panibagong hamon na kakaharapin ni Vice President Robredo lalo’t sa tala ng iba’t ibang human rights group higit 20-libong indibidwal na ang nasawi sa marahas na war on drugs kabilang na ang mga inosenteng kabataan na itinuturing na colatteral damage
“I wish and pray for the success of this fresh approach to this old problem,” saad pa ni Bishop Pabillo.