Tiniyak ng Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) ang pakikiisa sa misyon ng simbahan sa pamamagitan ng paghuhubog sa mga kabataan.

Ito ang inihayag ni San Fernando La Union Bishop Daniel Presto na kasapi ng education ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng organisasyon.

“CEAP will continue its role as a prophetic voice in advancing and promoting the teaching functions of the catholic church,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Presto.

Ayon sa obispo mananatiling katuwang ng simbahan ang CEAP sa paghuhubog ng mananampalataya sa tulong ng pagbibigay ng wastong edukasyon sa kabataan na nakabatay sa turo ng simbahan.

Paliwanag ni Bishop Presto sa loob ng walong dekada mula nang maitatag ang organisasyon ay mas lalong umigting ang pakikibahagi nito sa lipunan at kaisa ng simbahan sa paninindigan sa mga napapanahong usapin sa lipunan.

“Since then, CEAP made its presence felt in the society; it continues to become more socially involve association standing by the teachings of the catholic church while immersing itself in the socio-political realities of the time,” anang obispo.

Kinilala rin ni Bishop Presto ang matinding hamong kinakaharap ng organisasyon na labis apektado ng pandemya partikular na ang pagbaba ng mga kabataang nag-enroll bunsod ng pagkansela ng face-to-face classes.

Sinabi ng obispo na ang paghina at pagtigil operasyon ng ilang institusyon ay nagdulot ng kawalang trabaho sa ilang kawani na bahagi ng CEAP sa mahabang panahon subalit tumugon pa rin sa pangangailangan ng mga kawani at estudyanteng naapektuhan ng krisis.

“There are schools extended assistance to their employees in various ways, these are acts of solidarity with the suffering,” ayon pa kay Bishop Presto.

Batay sa tala, mula nang maitatag ang organisasyon noong 1941 umaabot na sa humigit kumulang 1, 500 ang kasaping paaralan ng CEAP na nanindigang patuloy itaguyod ang tungkulin sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa religious education bilang pangunahing sangkap sa Catholic education.