Sagrado at bahagi ng biyaya ng Panginoon ang taglay na karapatan ng bawat mamamayan sa pagboto o ang pagpili ng nararapat na pinuno ng bayan.

Ito ang binigyan-diin ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo – National director ng Caritas Philippines sa inilunsad na election campaign na Halalang Marangal 2022.

Ito ay binubuo ng iba’t ibang grupo ng simbahan na layuning magbigay ng gabay at kaalaman sa mga botante para sa nalalapit na halalan.

Paliwanag ng Obispo, ang pagpili ng kandidato ang siyang magiging bahagi ng bawat isa para sa sambayanan kaya’t mahalagang ito ay dumaan sa mabuting pagsusuri.

“Ang ating pagpili ay sagrado at iyon ay biyaya, kung ano man ang atin pipiliin at kung sino man ang ating iboboto yun ang ating biyayag maiiwan sa susunod na henerasyon kaya’t napakahalaga,” ayon kay Bishop Bagaforo sa panayam ng programang ng Veritas Pilipinas.

Una na ring inihayag ng Obispo na ang sinuman sa ating mapipiling ihahahal ay siya ring salamin ng ating pagkatao at paninindigan.

Tinatayang may higit na sa 63 milyon ang bilang ng mga rehistradong botante ang inaasahang makikilahok sa May 2022 national and local elections.