Cultural

Pagdalaw ng ‘Incorrupt Heart’ ni Padre Pio, Biyaya ng mananampalatayang Filipino

Itinuturing na isang pambihirang biyaya sa Pilipinas ang pagdalaw ng ‘Incorrupt heart’ ni Santo Padre Pio na mula sa Italya.

Ang Minor Basilica of the Immaculate Conception ng Archdiocese of Manila ay naging bahagi din sa ‘Nationwide Tour’ ng heart relic ni Padre Pio.

Ayon kay Fr. Reginald Malicdem–Rector ng Manila Cathedral, napapanahon ang naging pagbisita ng hindi naaagnas na puso ni Santo Padre Pio sa pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo na muling pagkakatayo ng Manila Cathedral matapos itong masira noong ikalawang digmaang pandaigdig.

“Napakalaking biyaya mula sa Diyos na madalaw tayo dito sa Manila Cathedral ng ‘Incorrupt Heart’ ni Padre Pio lalong lalo na po sa taong ito na nagdiriwang ang Manila Cathedral ng 60th anniversary ng pagkakatayong muli pagkatapos na masira noong World War II kaya isa sa mga parang naging main event tuloy nung celebration,” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Malicdem sa panayam sa Radio Veritas.

Nagpaabot din ng pasalamat ang buong pamunuan ng Manila Cathedral na siyang kauna-unahang Cathedral sa Pilipinas at itinuturing na ‘Mother Church’ ng bansa.

Ayon sa pari, nagsisilbing daan ang ‘incorrupt heart’ ni Padre Pio upang muling makabalik sa kanilang ‘Inang Simbahan’ ang mga mananampalataya na mula sa iba’t ibang lalawigan para maipamalas ang maalab na pananampalataya at debosyon.

“Palagi nga naming sinasabi ang Manila Cathedral bilang unang-unang Cathedral sa buong Pilipinas ay parang Mother Church at ngayon talagang dahil sa biyaya ng pagdalaw ni Padre Pio parang nag-uwian lahat ng mga anak ng Manila Cathedral mula sa iba’t ibang lugar, pumupunta dito, dito sa lugar na ito dahil na rin nga sa pagdalaw ni Padre Pio,” dagdag pa ni Fr. Malicdem.

Ibinahagi naman ni Fr. Kali Llamado–Vice Rector ng Manila Cathedral ang pagkamangha ng pamunuan ng Simbahan sa dami ng mga deboto na dumagsa upang makibahagi sa 2-araw na ‘public veneration’ ng ‘incorrupt Heart of Saint Padre Pio’.

Ayon sa Pari, bukod sa buhay at maalab na pananampalatayang naipamalas ng mga deboto ni Santo Padre Pio ay hindi rin matatawaran ang naipakitang pagkakaisa at pagtutulungan ng iba’t ibang samahan at organisayon na naging katuwang ng mga kawani ng Manila Cathedral upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa public veneration.

“Unang una nagulat kami dahil ang preparation namin ay hindi po para sa ganung kalaking dami ng tao at napakadaming tao kaya talagang surprise, surprise, very surprise kami at the same time very overwhelm din dahil sa pananampalatayang pinakita ng mga tao at lahat po ng tumulong sa amin na pinakita natin kung paanong ang mga Katoliko ay nagsasama-sama, natutulong tulong para sa isa’t isa,” ayon kay Fr. Llamado.

Ayon sa pamunuan ng Manila Cathedral, tinatayang aabot sa 120,000 hanggang 160,000 ang bilang ng mga debotong nakibahagi sa 2-araw na public veneration sa Manila Cathedral na bahagi ng Nationwide Tour ng Incorrupt Heart ni St. Padre Pio sa bansa na may temang “Healing and Reconciliation”.