Environment

Pagbabawal sa paggamit ng single-use plastic, panawagan ni Bishop Uy

Nananawagan si Tagbilaran Bishop Alberto Uy sa mga mananampalataya ng lalawigan at mga pari na iwasan ang paggamit ng single-use plastic.

Sa pahayag ni Bishop Uy mahalagang magkaisa ang mamamayan sa pangangalaga sa kalikasan tulad ng pag-iwas sa paggamit ng mga plastic lalu na sa mga pagtitipon ng simbahan.

“To all priests and parishioners, as much as possible, please avoid the use of styros and plastics in any of our gatherings and activities,” panawagan ni Bishop Uy.

Si Bishop Uy ay masigasig sa kampanya laban sa plastic bilang pakikiisa sa panawagan ng Santo Papa Francisco sa ensiklikal na Laudato Si -na pangalagaan ang kapaligiran na natatanging tahanan ng sangnilikha.

Sa pag-aaral ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA), halos 60 bilyong sachet ng plastic ang nalilikha sa Pilipinas bawat taon.

Kabilang dito ang 48 milyong shopping bags ang ginagamit ng mga Filipino araw-araw bukod pa rito ang 17 bilyong iba’t ibang uri ng produkto na gawa sa plastic.

Naniniwala ang simbahang katolika na kung magkakaisa ang mamamayan sa pagtataguyod ng maayos na kapaligiran ay makamtan ang malinis at ligtas na kalusugan ng lipunan na malayo sa polusyon at nakalalasong kemikal dulot ng plastic.

Ang pag-aaral ay batay sa 21 waste assessment na isinagawa ng grupo sa anim na lungsod at pitong bayan sa Pilipinas.

Ika–14 ng Mayo, pinangunahan nina Bishop Uy at Talibon Bishop Daniel Patrick Parcon ang pagtatanggal ng mga tarpaulin at iba pang campaign materials ng mga pulitiko matapos ang halalan bilang pagpapakita ng pagmamalasakit para sa kalikasan at maiwasang mapunta sa karagatan ang mga plastic waste na nalikha mula sa campaign materials.

Kaisa rin si Bishop Uy sa panawagan ng Plastic Free Bohol Movement sa isasagawang Plastic Free July Beach Cleanup na isasagawa sa karagatan ng Panglao Bohol sa ika-13 ng Hulyo sa Barangay Poblacion; ika – 20 ng Hulyo sa Danao Beach at ika-27 ng Hulyo sa Doljo Beach.

Ito ay isasagawa simula alas-7:30 ng umaga sa pakikipagtulungan ng Korean University Council for Social Services.

Hinimok ng grupo ang mga lalahok sa cleanup drive na magdala ng sako na paglalagyan ng mga basura.