politics

Pagbabalewala sa right to life, malaking hamon sa TFDP

Tiniyak ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) ang pagsusulong sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino makalipas ang apat na dekada mula ng maitatag ito noong panahon ngdiktadurang Marcos.

Ito ang inihayag ni TFDP Co-Chairperson Rev. Fr. Christian Buenafe, O.Carm sa pagdiriwang ng ika-45 anibersaryo ng pagkakatatag ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP).

Ayon sa Pari, ang dignidad ng buhay na angkin ng bawat nilalang ang batayan ng karapatang pantao na hindi pa rin nabibigyang halaga.

Pagbabahagi ni Fr. Buenafe, mas kinakailangan pang pag-ibayuhin ng TFDP ang adbokasiya sa pagpapahalaga at proteksyon sa karapatang pantao partikular na sa buhay ng bawat isa.

Paliwanag ng Pari, nakasalalay sa karapatang mabuhay ng bawat isa ang iba pang karapatan tulad na lamang ng right to property, right to due process at right to food.

“Ang basis ng human rights kasi ay yung human dignity so by birth tayo lahat ay dignified person and therefore inherence sa atin ang karapatang pantao – human rights pero sa panahon ngayon with the killings left and right, day or night nawala na yung pinaka-respeto sa basic na right which is the right to life yung mga right to property, right to due process, right to food will just follow if you are alive kaya with the killings now mas kailangan ang TFDP na maging masigasig lalong lalo na sa kanyang mga gawain, sa kanyang commitment to human rights yung pagpapahalaga, yung valuing of the human person above all…” pahayag ni Fr.Buenafe,sa panayam sa Radyo Veritas.

Sa temang “[email protected]: Bukal ng pagmamahal at paglilingkod para sa karapatang pantao” ay nagbalik tanaw ang mga human rights defenders na bumuo sa TFDP sa loob ng apat na dekada sa kasaysayan at sa kalagayan ng karapatang pantao sa Pilipinas.

Taong 1974 ng itinatag ng Association of Major Religious Superiors in the Philippines (AMRSP) ang nasabing human rights organization upang makapagpaabot ng tulong at ayuda sa mga political prisoners ng Batas Militar sa ilalim ng diktadurang Marcos.

Bukod sa legal na tulong ay nagkakaloob rin ang Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) ng moral at pang-espiritwal na paggabay sa mga political prisoners at kanilang pamilya bukod pa sa pagkakaloob ng scholarship sa kanilang mga anak.

“Binuo ang TFDP noong 1974 dahil sa kasagsagan ng Martial Law ang daming mga nawawalang mga kababayan natin, dinudukot so kailangan nating i-document that’s why ang mga Major Religious Superiors in the Philippines at that time nag-decide na buuin ang isang Task Force – Task Force Detainees yung bibisita sa mga na-ditain na mga politically motivated cases at since then ang mandate ng Task Force Detainees of the Philippines ay to document and to serve meron din kaming service program Paralegal, Legal Assistance, Scholarship sa mga anak ng mga political detainees and political prisoners at patuloy yung documentation natin…” Dagdag pa ng Pari.

Samantala, bilang pagkilala sa dedikasyon at pagsusumikap na ganap na maisulong ang karapatang pantao sa bansa ay ginawaran ng [email protected] Service Awards ang 21 human rights defenders na naging katuwang ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP) sa pagbabantay ng karapatang pantao ng mga Filipino.

Bukod dito, binigyang papuri at parangal rin ang naging malaking ambag nina Bp. Julio Labayen, OCD, DD; Sr. Mary Radcliffe, SSC; Chairman Max De Mesa at Sr. Cresencia Laucero, SFIC sa mahigit apat na dekada ng Task Force Detainees of the Philippines (TFDP).