Cultural

Pag-ordina bilang pari ng “married deacons”, panukala lamang ng Pan-Amazon Synod of Bishops

Nilinaw ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na hindi pa inaaprubahan ng Santo Papa Francisco ang panukalang ordinahan bilang mga pari ang mga ‘married deacon’ sa katatapos lamang na Special Synod of Bishops for the Pan-Amazon Region.

Ayon pa kay Fr. Jerome Secillano-executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, ang pinagbotohang final document sa synod ay pawang mga panukala lamang bilang tugon sa kakaunting bilang ng mga pari sa rehiyon.

Ang dokumento ay kailangan isumite kay Pope Francis kung ito ay papahintulutan o hindi.

Inihayag ni Fr. Secillano na ang panukala ay para lamang sa Amazon at hindi para sa buong simbahang katolika sa buong mundo.

“Hindi ito para sa universal church. Para lang ito sa Amazon region at ito ay proposal pa lang ng katatapos lang na synod at ito ay lalagdaan pa lang ng Santo Papa kung siya ay kakatig dito,”ayon kay Fr. Secillano.

Iginiit ni Fr. Secillano na nananatili pa rin ang ‘celibacy rule’ o ang hindi pag-aasawa ng mga pari sa buong simbahan.

“Itong proposal nila sa Amazon ay hindi pagli-lift ng celibacy rule, discipline. So, ito ay mananatiling intact for the whole catholic church,” ayon pa kay Fr. Secillano.

Ang married deacon ay mga kalalakihang may asawa na kinakitaan ng katangian at inordinahan ng simbahan bilang diakono upang maging katuwang ng mga pari sa buhay ng simbahan.

Ang synod na nagsimula noong ika-6 at nagtapos noong ika-27 ng Oktubre kung saan naging tema ng pagtitipon ang Amazonia: New Paths for the Church and for Integral Ecology.