politics

Pag-alis ng scholarship sa mga estudyanteng kritiko ng pangulong Duterte, binatikos

Nasasaad sa Encyclical ni Pope John the 23rd noong 1963 na Pacem in Terris on Establishing Universal Peace in Truth, Justice, Charity and Liberty na karapatan ng mga kabataan ang makapag-aral sa kabila ng anumang sitwasyon na nagaganap sa lipunan.

Bunsod nito, binigyang diin ng Commission on Human Rights (CHR) na hindi tamang tanggalan ng scholarship ang mga mag-aaral dahil sa kanilang pagbatikos sa pamahalaan.

Ipinaliwanag ni CHR Spokesperson Atty Jacqueline Ann de Guia na bagamat ang pamahalaan ang nagkakaloob ng scholarship sa mga mag-aaral ay nagmumula naman ang pondo para sa edukasyon sa buwis ng mga mamamayan.

Iginiit rin ni Atty. De Guia na bahagi ng Konstitusyon bilang isang demokratikong bansa ng Pilipinas ang kalayaan sa pagpapahayag, pagpuna at pagiging mapanuri ng mga mamamayan sa paraan ng pamamahala at mga nagaganap sa lipunan.

Naninindigan ang CHR na hindi katanggap-tanggap na tanggalin ang scholarship ng mga estudyante dahil sa kanilang pagbatikos sa pamahalaan.

“Scholarships are granted by the government but they are ultimately funded by the tax payers. Criticisms on governance and to demand redress for such as entitlements of the people in a democracy and as guaranteed by our Constitution. These should not be used as basis to strip off deserving students access to education through scholarships.” pahayag ni de Guia.

Iginiit ni de Guia na mahalagang pakinggan ng pamahalaan ang saloobin ng taumbayan lalu na ng mga kabataan sa mga naaangkop na mga programa at polisiyang dapat tutukan at ipatupad ng pamahalaan.

“It is also equally important to recognise the people’s right to self-organisation and freedom of association for as long as they are within the bounds of law. The Commission on Human Rights reminds the government of its obligation to serve the people—not the other way around. As such, it is important to continuously seek ways on how to improve access to education envisioned to hone critical, productive citizens meant to benefit the entire nation.” Dagdag pa ni de Guia.

Matatandaang noong nakalipas ay tuluyan ng naisabataas ang Republic Act (RA) 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA) na magkakaloob ng libreng edukasyon sa mga mag-aaral sa may 112 – State Universities and Colleges (SUCs) at halos 78 – Local Universities and Colleges (LUCs) sa bansa.

Samantala kasabay naman ng paggunita ng Simbahang Katolika sa Taon ng mga Kabataan bilang paghahanda sa ika-500 taon ng Kristyanismo sa Pilipinas ay mariing tinatawagan ang mga kabataan na aktibong makibahagi sa mga usaping panlipunan partikular sa midterm election sa Mayo.