500 Years of Christianity Countdown

Inaanyayahan ng Radio Veritas 846 ang mananampalataya na pakinggan ang inihandang special programming sa nalalapit na undas. Ayon kay Fr. Roy Bellen, Vice President for Operation ng himpilan, itatampok sa mga programa ang kuwento ng mga banal at mga katuruan ng simbahan na makatutulong sa paglago ng pananampalataya ng mamamayan.

“Bilang mga Katoliko, ang atin pong programa ay tungkol sa katesismo;mga pagpapaliwanag tungkol sa ating pananampalataya na may kinalaman sa mga espiritwal na bagay,’ pahayag ni Fr. Bellen sa Radio Veritas.

Ilan sa mga dapat abangan ng mga Kapanalig sa ‘UNDAS VERITAS 2020: PAG-ALALA, PANALANGIN AT PAGKILALA’ ang pagpapaliwanag tungkol sa buhay ng mga banal at kung paano ito nakatulong sa pananampalataya ng mamamayan.

Tatalakayin naman ni Veritasan anchor Fr. Jerome Secillano ang alituntuning dapat sundin sa cremation upang mabigyang dignidad ang mga yumao at maging ang pagdadalamhati. Ito ay pagbibigay halaga naman sa mga pumanaw dulot ng COVID-19 kung saan sa kautusan ng mga eksperto sa kalusugan na dapat agad sunugin ang bangkay upang maiwasan ang pagkalat pa ng virus.

Paliwanag ni Fr. Bellen, ito rin ay pakikiisa ng Veritas846 sa mga naulilang pamilya ng mga biktima ng corona virus lalu na ang mga frontliners na nagbuwis ng buhay para sa kapakanan ng nakararami.

“Ito rin ay ating espesyal na pamamaraan para yung lahat ng ating mga mahal na yumao nitong nakaraang 2020 sa gitna ng pandemya ay ating gunitain at pararangalan,” dagdag ng pari.

Tampok din sa araw ng mga patay ang pagpapaliwanag ng mga exorcist sa pagpaparamdam ng mga yumaong kaanak kung saan isa si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa magtatalakay kasama ang kaanak ng mga napaslang na biktima ng extra judicial killings.

Nauna nang hinimok ng simbahan ang mananampalataya na gawing makabuluhan ang paggunita ng undas ngayong ‘new normal’ lalo’t isinara sa publiko ang mga sementeryo sa bansa mula ika-29 ng Oktubre hanggang ika-4 ng Nobyembre bilang pag-iingat na lalaganap ang virus.

Nagpalabas na rin ng panalangin ang liturgical commission ng Archdiocese of Manila para sa mga yumao upang maging gabay ng pamilya sa pag-alala ng mga namayapang kaanak.