Cultural

Pag-aakyat ni Maria sa langit, simbolo ng pag-asa

May hangganan ang bawat pagsubok.

Ito ang sinisimbolo ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birhen ayon kay Fr. Yulito Ignacio, coordinator ng Pueblo Amante de Maria Mariological Marian Society of the Philippines (PAMMMSPhil).

Ayon sa pari, ipinapakita lamang nang pag-aakyat sa Mahal na Ina ang pag-asa at ang hangganan sa bawat paghihirap at sakripisyo na kinakaharap ng bawat isa.

“Yung glorious assumption ni Blessed Mother, yung pino-portray d’yan yung kaluwalhatian, ang panghinaharap natin nagiging tanda o sign of sure hope of the people of God habang naglalakad pa tayo sa mundo,” pahayag ni Fr. Ignacio sa Radio Veritas.

Ibinahagi pa ni Fr. Ignacio na naiproklama ang dogma ng pag-aakyat sa langit ng Birheng Maria sa Second Vatican council matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig kung saan nag-iwan ng labis na kahirapan sa mamamayang nakaranas ng karahasan.

Dagdag pa ng pari, ipinapakita dito na sa kabila ng mga pagsubok ay may buhay na walang hanggan sa langit sa piling ng Panginoon.

Si Maria rin ayon kay Fr. Ignacio ay nakibahagi sa paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus kaya’t nakibahagi rin ito sa kaluwalhatiang pag-aakyat sa langit.

Binigyang diin ni Fr. Ignacio sa dakilang kapistahan ng pag-aakyat sa langit ng Mahal na Ina na ito ay nagsisilbing gabay sa bawat mamamayan tungo sa kaharian ng Panginoon at nanatiling nangangalaga bilang Ina ng sanlibutan.

“Ang assumption ni Blessed Mother siya ang naging inner maternal care protection in heaven, she continues to guide us in journey of faith as we walk to the fullness of life in union with God,” ani ni Fr. Ignacio.

KAHALAGAHAN SA LIPUNAN

Pinaalalahanan din ng pari ang mananampalataya sa bansa na tingnan si Maria bilang huwaran sa pagiging payak ang pamumuhay na sumunod sa kalooban ng Diyos Ama na maging ina ni Hesukristo hanggang sa maluwalhating pag-aakyat sa langit.

“Si Maria ay nakibahagi at nakiisa sa kalooban ng Diyos sa kaluwalhatian ni Maria sa langit, nagbibigay pag-asa sa atin na anuman ang pagdaraanan nating kahirapan at pagdurusa merong pag-asa na ipinakita sa atin ni Maria,” saad ng Pari.

Tinukoy ni Fr. Ignacio ang pagiging lulong ng tao sa makamundong mga bagay at unti-unting pagtalikod sa Diyos, pagtatanggal sa pananampalataya at pag-alimura sa Diyos na taliwas sa mga naging halimbawa ng Mahal na Birhen.

Bukod pa rito ang nararanasang kahirapan, pagdurusa at ang paglaganap ng mga maling impormasyon na sumisira sa relasyon ng kapwa at ang kawalang katotohanan.

Sinabi nitong ang pag-aakyat sa langit ng Mahal na Ina ay nagbibigay ng bahagyang sulyap sa paraisong ipinagako ng Panginoong Hesus sa sangkatauhan.

MARIAN EXHIBIT

Kasabay ng pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit ng Mahal na Birhen ay bubuksan ng Radio Veritas ang Marian Exhibit sa Shangrila Mall sa Mandaluyong.

Ayon kay Fr. Ignacio ang pagsasagawa ng Marian exhibit ay malaking bagay upang higit mapalaganap ang buhay ng Mahal na Ina na bahagi sa buhay ni Hesus.

Paliwanag pa ng pari, ito ay isang uri ng katesismo na nagbibigay ng pagkakataon maipaliliwanag sa mamamayan ang pagkakaroon ng iba’t ibang titulo sa mga imahe ng Mahal na Birhen.

Read: 17th Marian Exhibit ng Rayo Veritas, matutunghayan sa Shangrila

Inaanyayahan din ni Fr. Ignacio ang mamamayan sa gaganaping Marian conferences sa ika-14 ng Setyembre sa San Carlos seminary na pangungunahan ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo kung saan tema rito ang ‘The Role of Family in the Formation of the Youth in the life of Mary.’

Ito ay inorganisa ng PAMMMSPhil at Marian Society of the Philippines na tinatayang may 39 na mga kasaping grupo sa buong bansa.