Sa kabila ng tumataas na COVID 19 cases, marami pa rin sa Filipino ang hindi komportable sa pagsusuot ng protective gear gaya na lamang ng Face mask at face shield.

Kaugnay nito, may paalala ang mga eksperto, doktor at pamahalaan sa kahalagahan ng mga ito upang hindi mahawa ng nakamamatay na sakit.

Ayon kay Dr. Mario Reyes, MD isang ophthalmologist at regular resource person sa programang Caritas in Action,
mahalaga ang pagsusuot ng Face shield at face mask sapagkat napo-protektahan nito ang mga pangunahing parte ng ating katawan na maaring pasukan ng virus.

“Ang mata natin for example nagiging source yan ng infection, ng mga pandemic kasi nakakapasok dyan ang virus kaya importante itong pagsusuot din natin ng mga Faceshield saka syempre yun pagkakaroon ng social distancing.”

Ipinaliwanag ni Dr.Reyes na importante na tama at maayos ang kalidad ng ating mga sinusuot na faceshield at facemask.

“sa facemask kung minsan tumatagos pa din yun droplets lalo na kung tela lang dapat suot natin yun standard na facemask para kahit nagsasalita ay hindi basta tatagos ito sa iyong facemask.”

Bagamat aminado si Dr. Reyes na pasakit para sa ilan ang pagsusuot nito lalo na sa mga gumagamit ng “eyeglasses” ay kinakailangan pa rin ito para sa ating proteksyon.

“Naghahanap tayo ng ways to protect ourselves, naglalagay tayo ng mga safety measures.. at least nababawasan yun mga potentials na magkaroon ng Covid19 pero lahat talaga gagawin mo kahit sabihin na baka hindi effective pero atleast extra security”paliwanag ni Dr. Reyes sa programang Caritas in Action.

Patuloy ang paalala ni Dr. Reyes na dapat pangalagaan din ang ating mga mata mula sa posibilidad na maging outlet ito ng virus kaya mahalaga ang pagsusuot ng mga protective gear.

Sa tala noong ika-7 ng Abril taong 2021, umabot na sa 819, 164 ang naapektuhan ng Covid19 sa Pilipinas. Tinatayang nasa 19.4 percent nito ang kasalukuyang may sakit.

Rowel Garcia

By Rowel Garcia

Rowel Garcia Disaster Coordinator