politics

Paalala ng CHR sa mga opisyal ng gobyerno: Hindi panghabang buhay ang kapangyarihan

Nakasaad sa encyclical ni Pope John XXIII na Mater et Magistra on Christianity and Social Progress na walang halaga ang kaunlaran sa lipunan kung hindi binibigyang pagkilala sa dignidad at karapatan ng bawat mamamayan sa lipunan.

Sa ganitong konteksto, kinondena ng Commission on Human Rights (CHR) ang pagbabanta ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipapaaresto ang sinumang mga magsusulong ng impeachment laban sa kanya.

Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, hindi pang-habang-buhay ang posisyon at kapangyarihang tinatamasa ng mga opisyal ng bayan na nakasaad din sa Konstitusyon ng bansa na ang mga kaakibat na parusa para sa mga lingkod ng bayan na mapapatunayang umabuso sa kanilang posisyon at kapangyarihan.

Paliwanag ni De Guia, bahagi ng karapatan ng mamamayan na papanagutin ang mga lingkod bayan na mang-aabuso sa tiwalang ipinagkaloob ng mamamayang Filipino kabilang na dito sa paraan ng impeachment upang mapababa sa posisyon ang mga opisyal na lumabag sa kanilang mandato sa ilalim ng konstitusyon.

“Authorities of government officials are not absolute. They enjoy powers only as much as the Constitution and other pertinent laws allow. And when violations arise, the Constitution grants impeachment as a legal means to remove an official from power. It is a right guaranteed to the people, from whom sovereignty resides and where all government authority emanates from,” ang bahagi ng pahayag ni De Guia.

Giit ni De Guia, bahagi ng constitutional right ng bawat mamamayan ang magsampa ng impeachment case laban sa sinumang impeachable officials maging sa pinakamataas na pinuno ng bansa.

Pinaalalahanan rin ni De Guia ang mga otoridad lalu na ang Philippine National Police (PNP) sa mandato ng ahensya na ipatupad ang nasasaad sa batas at pangalagaan ang kapakanan ng mga mamamayan.

“As such, no one should be arrested for merely asserting a Constitutional right nor should they be targeted for doing such. Filing an impeachment charge is not a crime. We remind the government, including the Philippine National Police, that they draw their mandate from the people. Obedience must always be premised on a lawful order, lest we disregard the rule of law, which they too vowed to respect and protect,” giit ni De Guia.

Sa Article 11 ng 1987 Constitution ang Accountability of Public Officers na maaring mapatalsik ang Pangulo at iba pang mga impeachable officials sa pamamagitan ng Impeachment na magsisimula sa Mababang Kapulungan ng kongreso at aakyat sa Senado.

Kabilang sa impeachable officials sa bansa ay ang Pangulo ng Pilipinas, Vice President, Justices ng Supreme Court at mga members ng Constitutional Commissions kabilang ng Commission on Elections, Civil Service Commission, Commission on Audit at Ombudsman.
Matapos ang Martial Law noong 1987 mas pinagtibay ng mga dalubhasa sa Saligang Batas ang Pambansang Konstitusyon ng Pilipinas upang tiyakin na hindi na muling maaabuso at malalabag ng pamahalaan at mga ahensya ng gobyerno ang karapatang pantao ng bawat Filipino.

Sa panlipunang katuruan ng Simbahan Katolika ang isang mabuting pinuno ay mapagkumbabang naglilingkod sa taumbayan at sa kanyang mga nasasakupan at isinasantabi ang pansariling interes.