Cultural

Opisyal ng CBCP, tiwalang mababasura ang kaso ng gobyerno laban sa mga Obispo at Pari

Nanindigan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na hindi kinakalaban ng Simbahan ang pamahalaan.

Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng Permanent Committee on Public Affairs, kaisa ang Simbahan sa paglilingkod sa mamamayan at hangad lamang nito ang maayos na pamumuno na nagbibigay halaga at dignidad sa mamamayang nasasakupan.

“Hindi gagawin ng simbahan na i-undermine ang pangulo, ang kasalukuyang pamahalaan, ang gusto ng simbahan ay mapabuti rin ang takbo ng pamamalakad sa ating bansa,” pahayag ni Fr. Secillano sa Radio Veritas.

Ang pahayag ng Pari ay kaugnay sa pagkakasangkot ng ilang Obispo at pari sa alegasyong ‘Project Sodoma’ na sinasabing ikinasa ng oposisyon laban sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinaliwanag ni Father Secillano na ang tunay na lider sa kahit anong institusyon ay nakahandang makinig sa mga pagpuna ng nasasakupan upang higit pang mapabuti ang paglilingkod sa mamamayan.

Nilinaw ng Pari na bagamat ilan sa mga pastol ng Simbahan ang hayagang pumupuna sa mga maling polisiya ng administrasyon partikular sa mga paglabag sa karapatang pantao bunsod ng giyera kontra droga ay hindi ito nangangahulugang nais Simbahan na pabagsakin ang pamahalaan.

“I’d like to focus na ang ‘yung Simbahan huwag nilang tingnan bilang kalaban,” ani ni Fr. Secillano.

Magugunitang sa videong ‘Ang Totoong Narcolist’ ni Peter Joemel ‘Bikoy’ Advincula na lumabas bago ang halalan, idinawit nito sina Lingayen Dagupan Archbishop Socrates Villegas, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, Cubao Bishop Honesto Ongtioco, Novaliches Bisho – Emeritus Teodoro Bacani Jr, Fr. Albert Alejo, Fr. Flaviano Villanueva at Fr. Robert Reyes.

Umani ng suporta ang mga pastol ng Simbahan mula sa iba’t-ibang grupo lalo na ang mga katuwang sa pagsusulong ng mga programa na tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan kabilang na ang mga naulilang pamilya ng mga biktima extra judicial killings.

Sinabi ni Fr. Secillano na nais lamang ng Simbahan na maging consistent ang pamahalaan sa pagpatupad ng war on drugs na bukod sa mga mahihirap lamang ang nabibiktima ay dapat tugisin din ang mga makapangyarihang drug lords na responsable sa patuloy na kalakalan ng droga sa bansa.

Umaasa naman ang Simbahan na lalabas ang katotohanan sa imbestigasyon sa kasong sedition, cyber libel, obstruction of justice at iba laban sa 36 na indibidwal kabilang na ang mga pastol ng Simbahan at hindi mananaig ang kasinungalingan sa lipunan.

Ngayong Nobyembre nakatakdang ilabas ng Department of Justice ang hatol sa counter – affidavit na isinumite ng mga Obispo at pari noong Setyembre.

Kaugnay dito nagsagawa ng mga solodarity masses ang iba’t ibang grupo bilang suporta sa mga inuusig na lingkod ng Simbahan at pakikiisa sa mga mamamayang naghahanap ng katarungan sa lipunan.