Economics

Onion smugglers, Panagutin sa batas

Panagutin sa batas ang sangkot sa Iligal na pagpasok ng mga Sibuyas.

Ito ang panawagan ni Rosendo So ang Pangulo ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) sa pamahalaan kasunod ng pagkahuli ng Bureau of Customs sa milyong pisong halaga ng Smuggled na sibuyas sa Manila International Container Port.

“Dapat sa mga ito Smuggler sampahan ng Kaso, yan ang gusto nating mangyari.” pahayag ni So sa Radio Veritas.

Ayon kay So, hindi makabubuti sa lokal na magsasaka ang iligal na pagpasok ng mga sibuyas sa bansa at ito ay isang malinaw na paglabag sa Republic Act No. 10845, o ang Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016.

Batay sa pahayag ni Customs Commissioner Isidro Lapeña, nadiskubre ng ahensya ang smuggled na sibuyas sa loob ng anim na container vans mula China na nagkakahalaga ng 12-milyong piso.

Iginiit ni So na dapat kumilos agad ang BOC upang mapanagot ang mga nasa likod ng onion smuggling.

Tiniyak naman ni So na sapat ang supply ng sibuyas sa bansa taliwas sa pahayag ng Department of Agriculture.

Sinabi ni So na lumabas sa pagpupulong ng Lokal na magsasaka at ng Bureau of Plant Industry noong Agosto na mahigit sa 2-milyong metriko toneladang sibuyas pa ang suplay ng sibuyas na nakalagak sa mga cold storage.

“Ang stock ng ating Local na Magsisibuyas may 2.2 MMT pa sila good for up to November.” dagdag ni So.

Iginiit ni So na hindi kinonsulta ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol ang Lokal na magsasaka sa desisyon na mag-angkat ng sibuyas sa ibang bansa.

Naunang tinututulan ng grupong KASAME ang plano ng Department of Agriculture na mag-angkat ng sibuyas.

Read: Importasyon ng sibuyas, tinututulan ng mga magsasaka

Kaisa ng lokal na magsasaka ang Simbahang Katolika sa paninindigan na dapat palawakin ang pagtulong sa lokal na Produksyon ng mga produktong pang-agrikultura upang makatutulong sa mga mahihirap na mamamayan.