Cultural

OFW’s, hinikayat na iboto ang tapat na lingkod ng bayan

Mahalagang isaisip sa pagpili ng mga kandidatong ihahalal sa nalalapit na halalan ang kapakanan ng mga Filipinong migrante sa iba’t ibang bansa.

Ito ang bahagi ng homiliya ni Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP–Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People sa paggunita sa 33rd National Migrants’ Sunday na may temang “Stateless Filipino Children: A Challenge for the Church”.

“Ating pagnilayan ay hindi kung sino ang iboboto bagkus kung papaano tayo boboto, at sa pagboto tingnan niyo ang ating overseas Filipino Workers, sila (mga OFW) na batid natin ay kilalang-kilala sa buong daigdig para sa amin sa Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission for the Pastoral Care of Migrants and Itinerant People sa tatlong katangian. Ano po ito? Madaling tandaan sapagkat nagsisimula sa letter ‘H’ Honesty, Hardworking and Helpful kaya naman ang inyong iboboto ay nararapat kagaya rin ninyo,” ang bahagi ng homiliya ni Bishop Santos.

Giit ng obispo, mahalagang piliin ng mga botante ang mga kandidatong nagtataglay ng katapatan, kasipagan at pagiging matulungin sa kapwa kahalintulad ng katangian taglay ng mga Overseas Filipino Workers.

“Alalahanin po natin na ang tungkulin sa pamahalaan ay hindi gatasan, hindi upang magpayaman at hindi upang makakuha ng pribilehiyo. Piliin po natin yung kagaya ninyo na matapat at tapat sa gawain,” dagdag pa ni Bishop Santos.

Paliwanag ng obispo, mahalaga ang katapatan ng mga opisyal ng pamahalaan hindi lamang sa salita kundi sa gawa kaakibat ang pagpapahalaga sa buwis ng mamamayan.

Taong 2018 ay naitala ang 21-billion US dollars na remittances na mas mataas ng 2.5-porsyento noong 2017

Taong 1987 nang itinalaga ng mga obispo ng simbahang katoliko sa Pilipinas ang paggunita ng National Migrants’ Sunday upang pagtuunan ng pansin ang kalagayan ng mga migrante lalu na ang sitwasyon ng mga manggagawang Filipino sa ibayong dagat.