politics

Obispo sa pamahalaan, tugunan ang pangangailangan ng mga Filipino sa halip na paasahin

grre-620x264

Huwag sirain at paasahin ang mga Pilipinong umaasa na gaganda ang kanilang buhay, sa halip ay tugunan ang kanilang pangangailangan.

 

Ito ang pahayag ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP – Episcopal Commission on the Laity matapos lumabas sa pag–aaral ng Social Weather Stations o SWS na halos kalahati sa populasyon ng mga Pilipino ang umaasa na gaganda ang kanilang buhay sa susunod na 12 buwan.

 

“Ang makikita natin na ang Pilipino ay mga taong may pag–asa, talagang umaasa sila. Sana huwag nating biguin ang kanilang pag–asa. Sila ay may pag–asa dahil sa kanilang paniniwala na magbabago naman ang panahon. Siguro bahagi nito ang pagbabago ng pamahalaan magkakaroon tayo eleksyon sa May at ang mga maboboto, mahahalal ay mga taong magkaroon ng programa talaga sa ikakabubuti lalung–lalo na ng mga maraming mahihirap,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.

 

Nanawagan rin ang Obispo sa malawakang pagpapadama ng kaunlarang pangkalahatan na isinasama ang mga mahihirap gayundin ang pagbibigay ng regular na trabaho at hindi kontraktwal.

 

“Hindi lang sana growth ang hinahanap ng pamahalaan ngunit ‘inclusive growth,’ yung growth na makikinabang rin ang mga mahihirap. At magkakaroon ng inclusive growth kung magkakaroon ng trabaho na regular. At yan ang hinahanap ng marami na magkaroon ng trabaho at trabahong regular upang tuloy–tuloy naman ang kanilang pag–unlad,” panawagan ng Obispo sa pamahalaan.

 

Pinayuhan rin nito ang bawat isa na panghawakan ang pag–asa sa sarili pagsusumikap na isakatuparan ang mga tungkulin na pagmamalasakit sa pamilya, kapwa-tao at sa Diyos.

 

“Huwag nating bitawan ang ating pag–asa. Iyang ating pag–asa ay ang ating pagsisikap na ang inaasahan natin ay pagsisikapan natin. At ganun din ang pagsisikap natin na tayo ay magtulungan at bahagi ng pag – asang ito ay piliin natin ng maayos ang mga pulitiko na siyang gagabay sa atin sa susunod na eleksyon. Piliin natin nang maayos na talagang makakatulong sa kapwa,” paalala pa ng Obispo sa mga mananampalataya.

 

Base sa survey na isinagawa ng SWS nasa 46 percent ng mga Pilipino ang naniniwalang bubuti ang kanilang buhay laban sa limang pursiyento na nagsabing lalong lalala ang kalagayan ng kanilang buhay.