September 19, 2020-8:40am

Nagbabala si Mati Bishop Abel Apigo kaugnay sa mga fake o poser accounts sa social media lalu na sa Facebook na ginagamit ang kanyang pangalan, katauhan at maging larawan.

Sa opisyal na facebook page ni Bishop Apigo, ibinahagi at inabisuhan ng Obispo ang kanyang mga kaibigan at kakilala sa social media na mag-ingat mula sa mga poser accounts at huwag basta magtiwala o makipag-ugnayan lalo na kung may kaugnayan sa pera.

Giit ni Bishop Apigo na siya ring CBCP–Southern Mindanao Representative maaring mga kawatan ang mga ito na naglalayong samantalahin ang mga mag-aakalang totoo ang kanyang pagkakakilanlan.

Nauna na ring nagbabala ang iba pang diyosesis at opisyal ng simbahan kaugnay sa iba’t ibang paraan ng scam o panloloko ng mga na ginagamit ang pangalan ng mga obispo, maging ang mga programa at adbokasiya ng simbahan upang magsamantala sa mga mananampalataya.

Sa tala, ang Diocese of Mati ay mayroong 20 mga parokya kung saan nasa 530,000 ang mga mananampalatayang Katoliko na pawang tinatawagan upang manindigan sa katotohanan at maging katuwang sa misyon ng Simbahan sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoon.