Cultural

Obispo ng Boac, nagpaabot ng pakikiramay sa mga naulila ni Bishop Oliveros

Nagpahayag ng pakikiramay at labis na kalungkutan ang Diocese of Boac sa Marinduque matapos pumanaw si Malolos Bishop Jose Oliveros.

Ayon kay Boac Bishop Marcelino Antonio Maralit, Jr. labis ang pagmamahal ng mga pari at mananampalataya kay Bishop Oliveros dahil nagsilbi rin ito bilang ikalawang Obispo sa Diyosesis ng Boac.

“Isang malungkot na pangyayari itong pagpanaw ng isang Obispo at hindi lamang basta Obispo kundi dating Obispo din po ng Diyosesis ng Boac, ikalawang Obispo after ng aming si Bishop Lim. Ang kalungkutan naming nadarama syempre dahil malapit sya sa maraming tao dito sa amin at inaantabayanan namin lahat ng sitwasyon nya at laging kinukumusta at binibisita pa nga ng aming mga kapatid na Pari si Bishop Joey nung nasa Bulacan sya lalo na nung may sakit sya.”  Pahayag ni Bishop Maralit sa Radyo Veritas.

Sa kabila ng kalungkutan, sinabi ni Bishop Maralit na lubos ang kanilang pag-asa at pagtitiwala sa kalooban ng Panginoon na makakamit ni Bishop Oliveros ang walang hanggang pagpapala sa kaharian ng Diyos.

“Pero kasama ng kalungkutan namin syempre yung pagtitiwala sa kalooban ng Diyos na kasama na sa aming mga panalangin, lalo nung huling panahon na siya ay nagpo-promote ng Divine Mercy, ang aming panalangin talaga ay by God’s love and divine mercy ay talagang He will give his eternal reward.”  Dagdag pa ni Bishop Maralit.

Si Bishop Oliveros ang humalili sa unang Obispo ng Boac na si Bishop Rafael Lim.

Siya ay inordinahan at itinalagang Obispo ni Pope John Paul II noong taong 2000 at matapos ito, siya ay nalipat sa Diyosesis ng Malolos noong 2004.

Samantala, gaganapin ang Requiem Mass para kay Bishop Oliveros sa ika-17 ng Mayo araw ng Huwebes, alas nuebe ng umaga sa Minor Basilica of the Immaculate Concepcion, Malolos Cathedral.