339 total views
Dismayado si Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo sa hindi napapanahong proyekto ng pagpapaganda at paglalagay ng artificial white sand sa Manila Bay bilang bahagi ng rehabilitasyon nito sa gitna ng krisis na kinahaharap ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ng Obispo sa panayam ng Radyo Veritas na hindi naaangkop na mas bigyang prayoridad at paglaanan ng pondo ang nasabing proyekto dahil marami ang dumaranas ng hirap at nagugutom sa epekto ng pandemya.
“Ngayong panahon po na napakaraming mga tao na walang trabaho, na walang pagkain, tapos kung gagawa ng ganyang project na aabutin ng higit 300 million (pesos) para lang sa white sand, parang hindi po angkop sa ating panahon ngayon.”,pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Iginiit rin ng Obispo na mas nararapat na ilaan ng Department of Environment & Natural Resources ang pondo sa pagkakaloob ng trabaho at pagkain sa mamamayang lubos na apektado ng pandemya.
“So ‘yan po’y marami pong mga hindi tama sa paggawa po ng project at lalung-lalo na sa’ting panahon ngayon na hindi angkop sa kalagayan ng ating bayan. Kaya kung ang DENR ay may pera, itulong nya sana sa mga pagbibigay ng trabaho, pagbibigay ng pagkain sa mga nangangailangan.”, dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ipinaliwanag ng bispo na hindi rin nakatitiyak na ang nasabing white sand ay magtatagal at mapapanatili ang kagandahan ng Manila Bay dahil mapupuno lamang ito ng basura kapag sinalanta ng bagyo ang bansa.
“Hindi pa naman natin sigurado na ang white sand na ‘yan ay mananatili kasi alam naman natin na kapag t’wing bumabagyo ay talagang pinapasukan ‘yan ng lahat ng mga dumi so, pansamantala lang ‘yung kagandahan nyan.”pahayag ni Bishop Pabillo