Nawawalang imahe ng Archdiocese of Ozamis, natagpuan makalipas ang 4-dekada

Posted on Posted in Cultural

Nagagalak ang mananampalataya ng Ozamis City sa pagkakatagpo sa kanilang matagal nang nawawalang imahe ng Señora de Triunfo de Ozamis noon pang 1975.

Ayon kay Ozamis Archbishop Martin Jumoad, ang imahe ay dumating sa Ozamis noong 1756 at ito ay orihinal na nakalagay sa dambaha ng Birhen ng Kotta o Virgin of the Fort.

Inihayag ni Archbishop Jumoad na nakita sa isang auction sa Manila Peninsula at napag-alaman na ito nga ang nawawalang imahe ng Ozamis.

Ayon sa Arsobispo, ang imahe ay nabili ng isang JV Esposo at nakatakdang isauli sa Ozamis City.

“Kay JV, maraming pong salamat na bukas loob at talagang freely he will return the image to the Archdiocese of Ozamis. Sa mga tao naman dito sa Ozamis sila po ay natutuwa na babalik na po ang 1756 image. ‘Yung imahe nagpunta dito noong 1756 kaya natutuwa sila at marami ang naluluha nang mapanood ang episode sa GMA ( Kapuso Mo, Jessica Sojo),” ayon kay Archbishop Jumoad.

Inaasahang makakababalik sa Ozamis ang imahe sa December 8, at magkakaroon ng prusisyon mula sa airport patungong katedral ng Archdiocese of Ozamis at ibabalik sa dambana ng Birhen ng Kotta.

“From the very beginning in 1756 doon sya talaga sa shrine malapit sa dagat. There was a time it was placed…the image was brought in the cathedral. Then later on it was lost, yung replica na lang doon, carved on the wall of the fort. So ‘yun ang pinupuntahan ng mga tao since 1976. Pero ang lugar niya talaga doon sa fort. So ang plano parang ilagay sa taas para i-secure lang talaga,” ayon kay Archbishop Jumoad.

Ang dambana ng Birhen ng Kotta ng Ozamiz ay itinayo noong 1755, isang nililok na imahen ng Mahal na Ina ang matatagpuan sa pader na nakaharap sa baybaying dagat.

Ang Nuestra Señora de Triunfo o Our Lady of Triumph at pinaniniwalaang milagrosa na kalimitang dinarayo ng mga pilgim tuwing ika-16 ng Hulyo (feast of Mt. Carmel) at ika-8 ng Disyembre (feast of Immaculate Conception).

Ito rin ay nagsisilbing gabay sa mangingisda ng Panguil Bay.

Ang arkidiyosesis ay binubuo ng 43 mga pari na nangangasiwa sa 22 parokya.

Ang lalawigan ay binubuo ng higit sa 600 libong populasyon na may 70 porsiyento ang mga Katoliko.

Sharing is caring
  •  
  •  
  •  
  •  
  •