Ayon kay Father Jerome Secillano executive secretary ng CBCP-Permanent Committee on Public Affairs, batid ng simbahan ang paghihirap na dinaranas ng mga manggagawa higit ngayong panahon ng pandemya kung saan marami sa sektor ang nawalan at naapektuhan ang trabaho.

“Whatever is fair and just ought to be given to our workers. They deserve to be rewarded for their toils and services,” pahayag ni Father Secillano sa Radio Veritas.

Ito ang tugon ng Pari sa isinusulong ng Unity for Wage Increase Now na pagsasabatas ng Php750 national daily minimum wage ng mga manggagawa.

Sinabi ni Father Secillano na mahalaga ang pakikinig sa mga hinaing ng sektor ng manggagawa para sa sapat at makatarungang kita.

Pinahalagahan rin ng Pari ang dignidad ng bawat manggagawa sa kanilang pagtatrabaho na naghahanap-buhay upang tugunan araw-araw na pamumuhay.

“They should be accorded with something that befits their dignity as human beings who work for their daily survival,” ayon din sa mensahe ng Pari sa Radio Veritas.

Batay sa talaan ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Setyembre 2021, pumelo sa 4.3-million ang joblessness rate sa Pilipinas kung saan higit na apektado ang mga manggagawang kabilang sa sektor ng Agrikultura.

Naitala din ng PSA ang mabagal ngunit mataas na antas ng inflation rate na umabot sa 4.6% ng dahil sa magkakasunod na linggong pagtaas ng mga produktong petrolyo.