Umaasa ang mission ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na magising ang mamamayan sa katotohanang kailangang ayusin ang pakikitungo sa kalikasan.

Ito ang mensahe ni Puerto Princesa Palawan Bishop Socrates Mesiona, chairman ng kumisyon kaugnay sa epekto ng mga natural na kalamidad sa mamamayan at lipunan.

Paliwanag ng obispo na bilang binyagang kristiyano misyon ng bawat isa na itaguyod ang maayos na kalikasan at magkaisang labanan ang mga gawaing nakasisira ng kapaligiran.

“Ito po ay wake-up call [kalamidad] na lumayon sana sa kagyat ng pagkilos ng lahat; ito po ay moral na tungkulin at sagutin natin sa tao at sa harap ng Diyos,” ayon sa pahayag ni Bishop Mesiona.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) 13 katao ang nasawi dahil sa pagguho ng lupa at pagkalunod sa pananalasa ng bagyong Maring sa malaking bahagi ng Northern Luzon at ilang lugar sa Eastern Visayas.
Libu-libong katao naman ang lumikas sa mas ligtas na lugar upang makaiwas sa sakuna na dulot ng mga pagbaha dahil sa bagyo habang mahigit sa kalahating bilyong piso ang napinsala sa sektor ng agrikultura na ikinalugi ng mga magsasaka at mangingisda.

Dahil dito umapela si Bishop Mesiona sa mga namumuno ng bayan na paigtingin ang pangangalaga sa kalikasan sapagkat ang mamamayan lalo na ang mga mahihirap sa lipunan ang labis na apektado sa pananalasa ng mga kalamidad dala ng kalikasan.

“Nananawagan tayo sa mga kinauukulan na suriin ang mga patakaran at mga proyekto kaugnay sa pagbabago ng klima (climate change). Baguhin agad ang anumang nakapipinsala sa ating kapaligiran at sambayanan,” ani ng obispo.

Una nang hinamon ng Kanyang Kabanalan Francisco ang lider ng mga bansang dadalo sa COP26 Climate Change Conference sa Glasgow Scotland na kinakailangan ang tunay na ‘ecological conversion’ upang matugunan ang lumalalang climate change sa mundo.

Sa ensiklikal ng Santo Papa na Laudato Si hinimok nito ang bawat mananampalataya na maging mabuting katiwala sa kaloob na kalikasan at pagyabungin ang likas na yamang makatutulong sa pamayanan