Hindi sang-ayon ang opisyal ng simbahan sa pagkakaroon ng ‘Martial law-type implementation’ ng Luzonwide enhanced community quarantine.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, ito ay hindi naangkop na pagtugon sa krisis na dulot ng pandemya sa halip ay mas dapat na bigyang tuon ang karagdagang tulong lalu na mga mahihirap na komunidad.
Ayon sa Obispo, ang pagkakaisa at pagtiyak sa kapakanan ng mga mahihirap at mahihina sa lipunan ang isang paraan upang matiyak ang kaligtasan ng lahat mula sa kumakalat na virus at hindi ang Martial Law o ng mahigpit na pwersa ng mga otoridad.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, ang kakulangan ng tulong tulad ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan sa tahanan ang dahilan ng paglabas ng mga tao lalu na ng mga mahihirap.
Mungkahi din ng Obispo na bukod sa pagtulong sa mga mahihirap, dapat ding bigyang halaga ng mga opisyal ng pamahalaan ang pagsusuri sa mga may sakit upang matukoy ang pangangailangan medikal ng bawat isa.
“Hindi po ito matatalo ang virus ng Martial Law, matatalo ang virus kapag tayo ay nagkakaisa, kapag tayo ay nagtutulungan lalong lalo na po sa mga mahihirap at mga vulnerable sa ating lipunan,” ang bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radyo Veritas.
Umapela naman ang Obispo sa mamamayan na makipagtulungan at sumunod sa ipinatutupad na panuntunan ng pamahalaan tulad ng physical distancing at pananatili sa loob ng tahanan.
Paliwanag ng Obispo, ang pagsunod sa mga panuntunan ng pamahalaan ay malaking ambag upang makatulong sa pagsugpo ng COVID-19 sa bansa.
“Sa lahat po ay nakikiusap sana tayo magbigay naman tayo ng ating cooperation sa ating pamahalaan sa pag-iwas ng paglalabas-labas, ito po ay para po sa ikabubuti ng lahat kung wala naman talaga tayong importanteng lakad manatili lang po tayo sa loob para po maiwasan din na kumalat yung sakit,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Sa tala ng Philippine National Police (PNP) umaabot na sa mahigit 125,000 ang bilang ng mga naitalang lumabag sa enhanced community quarantine na karamihan ay nahuling lumabag sa curfew at nasa labas ng kanilang mga tahanan at mga lansangan sa kabila ng kawalan ng quarantine pass.
Asahan namang sa susunod na Linggo, bago magtapos ang pinalawig na enhanced community quarantine sa ika-30 ng Abril ay maglalabas ng desisyon ang Pangulong Rodrigo Duterte kung palalawigin o tatapusin na ang Luzonwide lockdown.
Ayon kay Presidential spokesperson Atty. Harry Roque, ang magiging desisyon ng pangulo ay base na rin sa rekomendasyon ng mga dalubhasa at ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Kabilang sa mga posibleng ipatupad ay ang military take-over at ang modified community quarantine.
Binigyan diin naman ni roque na base sa mga tala ay bahagya ng bumababa ang bilang ng mga nahahawaan ng sakit bilang bunga ng isinasagawang higit na isang buwan stay-at-home policy.
Paliwanag pa ni Roque sa ilalim ng military take-over pangangasiwaan ng mga pulis at sundalo hindi lamang mga checkpoints kundi maging ang pagpapatupad ng curfew sa mga barangay.
Habang sa modified community quarantine, maaring palawigin ang lockdown depende sa mga lalawigan, munisipalidad o barangay kung saan marami ang kaso ng naitalang nahawaan ng Covid-19.
- CHA-CHA, hindi magdudulot ng pagbabago sa bansa - Sunday, January 24, 2021 2:58 pm
- Militarisasyon sa mga unibersidad sa bansa, kinundena ng AMRSP - Friday, January 22, 2021 2:52 pm
- Malakas na lindol sa Mindanao, muling nagdulot ng pangamba sa mga taga-South Cotabato - Friday, January 22, 2021 11:37 am
- Pagbabakuna ng COVID-19, isang moral obligation - Monday, January 18, 2021 4:27 pm
- Christian unity, misyon ng isasagawang “Ecumenical Bible festival”. - Sunday, January 17, 2021 10:41 am
- Karahasan laban sa mga katutubo sa Panay island, kinondena ng Visayan Bishops - Saturday, January 16, 2021 3:36 pm
- Obispo, duda sa isinusulong na CHA-CHA - Friday, January 15, 2021 2:03 pm
- Pallium mula sa Santo Papa, tinanggap ni Archbishop Baccay - Friday, January 15, 2021 10:43 am
- Pilipinong Pari, itinalaga sa Franciscan’s Justice and Peace sa Roma - Wednesday, January 13, 2021 12:27 pm
- Ituwid ang mali, tungkulin ng bawat binyagang Kristiyano - Monday, January 11, 2021 12:56 pm