312 total views
March 19, 2020, 10:22AM
Hinimok ng Ministry on Social and Human Development ng Diyosesis ng Antipolo ang mga parokya na lingapin ang mga nangangailangan lalo ngayong panahon ng krisis na idinudulot ng corona virus disease 2019.
Ayon kay Reverend Father Bienvenido Miguel, Jr. ang Director ng ministry, ito ang pagkakataong higit ipadama ang tunay na simbahan ni Kristong kumakalinga partikular sa mga dukha sa lipunan.
“Covid 19 is a test of who we are as a Church and as a society; We have poor neighbors who now face roadblocks that prevent them to meet their basic needs and they have taken food off the tables of the poor thus putting them at risk of malnutrition, which can compromise their body’s abilities to fight off the disease,” pahayag ni Fr. Miguel.
Mungkahi ng pari na gamitin ang pondong nakolekta para sa Alay Kapwa, magsagawa ng soup kitchen katuwang ang mga volunteers ng bawat barangay upang mabigyan ng pagkain ang mga pamilyang walang sapat na mapagkunan.
Panawagan ng pari sa mga mayayamang parokya na tulungan ang mahihirap na komunidad.
“Parishes that are well off may tap their social or emergency fund. Rich parishes may extend pastoral charity towards the poor parishes by assisting their social services,” dagdag ng pari.
Sa mga mahirap na parokya, tutulungan ito ng diyosesis sa pamamagitan ng pondo sa Alay Kapwa.
Iginiit ng pari na dapat magtulungan ang bawat sektor ng lipunan sa pag-agapay sa mga mamamayang apektado ng enhanced community quarantine ngunit dapat ding mahigpit na ipatupad ang safety protocol batay sa abiso ng Department of Health.
“We must work together with the LGUs, In this trying times our poor look up to us for hope and answer,” saad ng pari. Binigyang diin ni Fr. Miguel na sa tulong ng Diyos sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria malalampasan ng mundo ang krisis na dulot ng COVID 19.