500 Years of Christianity Countdown

August 30, 2020

Binigyan pugay at tinaguriang ‘modern-day heroes’ ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang mga medical frontliners na humaharap sa banta ng nakahahawa at nakamamatay na Coronavirus Disease 2019 sa bansa.

Sa kanyang homiliya sa misa para sa ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon na ginaganap sa Veritas Chapel ay kilala ni Bishop Pabillo ang kabayanihan ng mga medical frontliners sa Pilipinas isang araw bago gunitain sa bansa ang Araw ng mga Bayani o National Heroes’ Day.
Ayon sa Obispo ang kalayaan ng bansa mula noon hanggang ngayon ay bunga ng pagsisikap at pagsasakripisyo ng sariling buhay ng mga bayani ng bansa.

Kinilala ni Bishop Pabillo ang malaking ambag ng pagsusumikap at pagtitiyaga ng mga medical frontliners upang mapangalagaan at mapagaling ang mga nagkakasakit ng COVID-19.

Sinabi ng Obispo na dahil sa kabayanihan ng mga medical frontliners sa bansa ay madami ang mga naitatalang gumagaling mula sa COVID-19 kung saan batay sa tala tanging 1.5% lamang sa mahigit 200,000 na nagpositibo sa sakit ang sumakabilang-buhay.

“Bukas ay gugunitain natin ang National Heroes’ Day. Ang ating kalayaan ngayon ay bunga ng pagsisikap at pagbubuwis ng buhay ng mga bayani natin noon at mga bayani natin ngayon. Sa ating bansa, marami ang mga nagkasakit na ng COVID higit na sa 200,000 na, pero higit na 3,000 lang ang namamatay – mga 1.5% lang ng mga na-infect. Ang mababang bilang na ito ay dahil sa modern-day heroes natin – ang mga medical frontliners…” pagninilay ni Bishop Pabillo sa Healing Mass sa Radio Veritas.

Iginiit ng Obispo na kahanga-hanga ang kabayanihan ng mga naglilingkod sa mga pagamutan sa kabila ng mababang suweldo, kawalan ng sapat ng benipisyo at panganib na dulot sa kanilang buhay at mga pamilya ay itinataya buhay para sa kapakanan ng bayan.

Binigyan diin ni Bishop Pabillo na hindi matatawaran ang ganitong uri ng kabayanihan na paglimot at pagtataya sa sariling buhay para sa kapakanan ng kapwa.

“Kahit mababa ang sweldo, kahit mapanganib sa kanila at sa kanilang mga pamilya, at kahit na nga kulang sa mga gamit ay nagtataya ng buhay nila para sa bayan. Iyan nga, ang isang tao ay nagiging bayani kapag siya ay nagtataya, nililimot ang sarili para sa iba. Iyan iyong pagtulad kay Jesus.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.

Bilang pagbibigay parangal at pananalangin para sa mga medical frontliners na nagsisilbing modern-day heroes’ ng bansa ay isang Misa ang i-aalay ng Archdiocese of Manila sa mga fronliners kasabay ng paggunita ng National Heroes’ Day sa ika-31 ng Agosto.

Gagawin ang banal na misa sa San Felipe Neri Parish, Mandaluyong City ganap na alas-dose kinse ng tanghali na mapakikinggan ng live sa himpilan at facebook page ng Radyo Veritas, TV Maria at Archdiocese of Manila.