Disaster News

Mga residente, pinayuhang sundin ang babala ng lokal na pamahalaan sa bagyong Rosita

Hinimok ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto ang mga residente na apektado ng Bagyong Rosita na sundin ang mga kautusan ng paghahanda ng mga lokal na pamahalaan para sa kanilang kaligtasan.

“Manatili pong nakahanda kasi hindi po natin alam ang mga nangyayari bagama’t pahina na ang hangin. Basta kung anuman ang sabihin ng Local Government units natin ay makipag-ugnayan at sundin para sa ikabubuti natin at magdasal po tayo para sa sakuna na ito maiwasan natin at ipagdasal din ang mga nasalanta ng bagyong Rosita sa ibang lugar lalu na sa Isabela kung saan ito naglandfall,” ayon kay Bishop Presto sa panayam ng programang Veritas Pilipinas ng Radio Veritas.

Ayon sa Obispo, bukod sa pagdarasal sa kaligtasan ng lahat ay mahalagang patuloy na maging handa lalu’t hindi batid ang badya ng panahon.

Nangangamba rin ang obispo sa mga kabuhayan ng mga residente na maaring maapektuhan ng bagyo.

“Ang pinangangambahan nga lang ay ang mga pananim sa mga bukirin. Ready for harvest na yun mga ‘yun at ito ay baka pag umulan nakadapa ang mga palay natin baka masira yan ang pinangangambahan ng karamihan,” ayon sa Obispo.

Pangunahing produkto ng mga taga-La Union ay palay, mais, mga prutas at gulay bukod pa sa pangingisda.

Ang La Union ay kabilang sa pinakamataas na produksyon ng palay sa bansa.

Sa kasalukuyan ayon sa obispo ay malakas ang hangin sa La Union subalit wala pa namang pag-ulan habang nakataas na rin ang Signal number 3 sa kanilang lugar.

Dahil sa babala ng bagyo na signal number 3, walang pasok sa mga tanggapan at lahat ng antas ng paaralan sa La Union.

Diocese ng Ilagan, Isabela

Ayon sa Ilagan Social Action Center, wala ng kuryente sa 34 na munisipalilidad ng Isabela at ilang mga bahay ang nasira sa pagdaan ng bagyong Rosita.

May 151 pamilya na rin ang inilikas mula sa munisipalidad ng Benito Soliven, Echague at San Isidro habang ilang mga simbahan din ang bahagyang nasira sa mga nasabing lugar.

Naghahanda na rin ang diyosesis ng pamamahagi ng relief goods sa higit na naapektuhang lugar lalu na sa Southern Isabela.