Mga Kapanalig, nag-viral noong isang linggo ang video ni Greta Thunberg, isang youth climate activist, kung saan kinundena niya sa Youth4Climate Forum ang mga world leaders dahil sa kanilang mga napakong pangako. Wala siyang pinangalanan ngunit inisa-isa niya ang ilang pangako ng makapangyarihang mga lider katulad ng “green jobs”, pagiging “climate neutral”, at pagsusulong ng “build back better.” Ani Greta, “Our hopes and dreams drown in their empty words and promises.” Ang pag-asa at mga pangarap ng kabataan ay nalulunod sa walang lamáng mga salita at pangako.

Pinatotohanan ng pinakabagong report ng Save the Children kung paano ninanakaw ng climate change ang kinabukasan ng mga bata. Ayon sa report na pinamagatang Born into the Climate Crisis, ang mga batang Pilipinong ipinanganak noong 2020 ay mabubuhay sa isang bansang halos limang beses na mas mainit ang mga heatwaves, dalawang beses na mas madalas ang pagbaha, at halos dalawang beses na mas madalas na pagkasira ng mga pananim, kumpara sa naranasan ng kanilang mga lolo at lola habang sila ay nabubuhay. Dagdag pa ng report, higit na negatibo ang epekto ng climate change sa mga mahihirap na bansa at komunidad dahil mas mataas ang banta sa kanila ng mga sakit na dala ng maruming tubig, kagutuman, at malnutrisyon, na palalalain pa ng mas malalakas na bagyo.

Ang isa ring youth climate activist na si Vanessa Nakate ay siningil naman ang mayayamang bansa sa pangako nilang pondo para sa mahihirap na bansa. Sa usapin ng climate justice, ang mahihirap na bansa ay pangunahing dehado sa mga mapaminsalang epekto ng climate change sa kabila ng maliit nilang kontribusyon sa carbon emissions na sanhi naman ng global warming. Layunin ng pondong palakasin ang adaptation o kakayahan ng mga bansang umangkop sa mga epekto ng climate change. Noong 2015, ipinangako ng mayayamang bansang magbibigay sila ng 100 bilyong dolyar bawat taon sa mahihirap na bansa umpisa 2020. Ayon kay Vanessa, hanggang ngayon ay wala pang natatanggap ang kanyang bansang Uganda sa Africa. Iginiit din niyang hindi maaaring mag-adapt sa pagkasira ng kultura, tradisyon, at kasaysayan. Hindi maaaring mag-adapt sa kagutuman. Nanawagan siya sa mga lider na ilagay ang pagkasira ng kultura, tradisyon, at kultura, maging ang kagutuman, sa sentro ng mga usapin tungkol sa climate change.

Kung pagninilayan natin ang mga Salita ng Diyos, ang panawagan nina Greta at Vanessa ay paalalang sinasalamin ang Genesis 2:15: “Inilagay ni Yahweh ang tao sa halamanan ng Eden upang ito’y pagyamanin at pangalagaan.” Ang mga kabataang kinakatawan ng dalawa ang sasalo sa kalagayan ng halamanang ipinagkaloob sa atin ni Yahweh. Ang pagkundena nila sa mga walang saysay na salita at mga pangakong hindi naisasakatuparan ng mga lider ay paalala rin sa mga pamahalaan at nasa larangan ng pulitika ng kanilang tungkulin sa pagsigurong napangangalagaan ang kapaligiran. Binibigyang-diin ng panlipunang turo ng Simbahan na responsibilidad ng bawat isa, lalo na ng mga nanunungkulan, na protektahan at itaguyod ang dignidad ng sanilikha. Kailangan natin ng lipunan at ekonomiyang isinasaalang-alang ang kalagayan ng kalikasan sa pagsusulong ng kaunlaran.

Nawa’y makita rin natin ang mahalagang papel ng pagsusulong ng katarungan sa usapin ng climate change. Hindi lamang nito mapabubuti ang kasalukuyang estado ng ating pamumuhay; magiging makatarungan din tayo sa mga susunod na henerasyon. Ang usapin ng climate change ay tungkol din sa pagkadehado ng mahihirap na bansa at pagiging sakim ng ilang malalaki at mayayamang bansa.

Mga Kapanalig, ang kabataan at mahihirap ay ang mga pangunahing biktima ng pagkasira ng ating nag-iisang tahanan. Huwag natin silang agawan ng pag-asa at mga pangarap. Samahan natin silang manawagan para sa mga aksyong magdudulot ng totoong pagbabago sa kalagayan ng ating kalikasan.

Sumainyo ang katotohanan.