Ang unti-unting pagbangon ng ating bansa mula sa pandemya ay mainam na panahon para  makabawi na rin ang mga maliliit na negosyante. Mas maraming tao ang lumalabas, mas marami ng tao ang nakakabuwelo. At dahil panahon na rin ng kapaskuhan, mas marami na rin ang namimili. Lahat ng ito ay nagbibigay pagasa sa ating mga MSMEs, o ang micro, small, and medium enterprises.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), umabot ng  mahigit 957,600 ang mga MSMEs sa ating bansa noong 2020. Sa bilang na ito, ang pinakarami ay ang mga micro-enterprises na umaabot ng 850,127 ang bilang. Maliit man, nakikita natin na sila ang gulugod ng kalakalan ng bansa. Kung wala sila, matamlay, o di kaya, bagsak ang ekonomiya.

Ang laki ng ambag ng MSMEs sa ating bansa, kapanalig. Kung sa job generation nga ang pinag-uusapan, wala atang makakatalo sa kanila. Tinatayang mahigit sa 5.38 million ang mga trabahong nalilikha nito, o 62.6% na ng total employment ng bansa. Pagdating naman sa value-added sa ekonomiya, 35.7% naman ang ambag nila.

Kaya’t nararapat lamang na bigyan natin ng ibayong tulong ang mga MSMEs. Simula sa pagtataguyod ng business climate na mas conducive o kaaya-aya para sa kanila, hanggang sa assistance sa finance o access to markets, kailangan tayo ng MSMEs ngayon.

Sa ating panahon  ngayon, ang pinaka-mainam na ating magagawa upang maging masigla pa ang mga MSMEs ay ang paniniguro na tuloy-tuloy na ang pagbuti ng COVID-19 situation sa ating bansa. Kapag wala ng pagsipa ng mga kaso, kapag nakamit natin ang herd immunity, hindi lamang sa Maynila kundi sa buong bansa, mababawasan ang mga sagabal sa kanilang pag-unlad.

Kailangan din syempre ng mga MSMEs ng financial assistance. Ayon nga sa isang pag-aaral, mga 73% ng mga MSMEs sa ating bayan ang napilitang magsara ilang linggo makaraan ang simula ng pandemya. Walang sales ang halos 60% ng mga micro-enterprises noong March 2020. Dahil napahaba ang lockdown sa bansa at naka-ilang ECQ din tayo, nahirapan ng tumayo ang maraming MSMEs. Ngayon na lang talaga ang panahon ng kanilang muling pamamayagpag, pero hindi  nila kayang gawin ito sa sustainable na paraan kung bitin o walang tulong  pinansyal.

Ilan lamang iyan, kapanalig, sa  mga pangunahing pangangailangan ng mga MSMEs upang maging tuloy-tuloy ang kanilang pagbawi. Ang pagtugon sa kanilang pangangailangan ay pagtugon din sa pangangailangan ng karamihan, dahil maraming manggagawa sampu ng kanilang pamilya ang naka-asa dito. Ang pangangalaga sa MSMEs ay pangangalaga din sa kapakanan ng manggagawa. Ang pangangalaga sa maliliit na namumuhunan ay paniniguro na inklusibo ang ating ekonomiya, at pantay-pantay tayo sa lipunan. Ayon nga sa Evangelii Gaudium: Today we also have to say “thou shalt not” to an economy of exclusion and inequality. Such an economy kills.

Sumainyo ang Katotohanan.