Ang ating bansa ay sumisikat dahil sa napakagandang kalikasan nito – ang ating mga beaches, mga kabundukan, at kagubatan. Ito ay ating mga tanging yaman na tinitingala at hinahangaan ng international community. Katuwang ng mga natural resources na ito ay ang ating mga katutubo o indigenous peoples (IP) na tumatayong tagapangalaga ng mga likas yaman na ito.

Sa ating bansa, ayon sa World Bank, tinatayang umaabot ang bilang ng ating mga IPs ng 10 hanggang 20 porsyento ng ating nasyonal na populasyon. Ayon naman sa UNDP, mga 14 to 17 million ang kanilang bilang at mula sila sa 110 ethno-lingguistic groups.

Wala pang definitive data kapanalig, ng opisyal na bilang ng mga IPs sa ating bayan. Kung meron man, patse-patse at hindi naipapakita ang kabuang bilang o sitwasyon ng mga katutubo o  IPs. Ang kawalan ng maayos na datos gaya nito ay isa sa mga isyu ng ating IPs. Ehemplo kasi ito ng kakulangan o kawalan ng pagkilala sa kanila.

Kapanalig, ang pagkilala sa mga IPs ay mahalaga. May batas pa naman na sana ang bansa upang maprotektahan ang mga IPs. Kaya lamang, paano sila mapo-proteksyunan ng batas kung hindi sila nakilala ng bayan, o nabibilang man lang?

Ang pagkilala sa kanila, kapanalig, ay unang hakbang tungo sa pagbibigay sa kanila ng batayang serbisyo na karapatan ng bawat Filipino. Kadalasan, kapanalig, ginugrupo lamang natin sila batay sa kanilang lokasyon. Halimbawa, lumad kung taga Mindanao, Ita kung taga Pampanga o Zambales, at Igorot kung taga Northern Luzon o Cordillera. Hindi natin nakikita ang distinksyon ng mga iba ibang IP groups at hindi rin natin nakilala ang iba pa na hindi maka-kategorya base sa malawakang lokasyon lamang. Ang ganitong kategorya ay hindi sapat na pagkilala sa kanilang pagkatao, kultura, ambag sa lipunan, pati na rin sa kanilang pangangailangan.

Kapanalig, ang buhay ng mga IPs ay simbolo ng “ideal” na relasyon ng sangkatauhan at ng kalikasan. Sila ang nanga-ngalaga ng ating likas yaman at inaalagaan rin sila ng kalikasan. Ito ang kanilang tahanan, source o pinanggagalingan ng kabuhayan, at proteksyon laban sa sakuna. Dapat natin makita, kapanalig, na kapag nirerespeto natin ang mga IPs, nirerespeto rin natin ang kalikasan.

Ang IPs ng ating bayan, kundi natin tunay na kikilanin at poprotektahan, ay tinuturing lamang natin na kasangkapan, sa halip na ating kapwa. Pinapa-alala ng The Church and Racism: Towards a More Fraternal Society na “We cannot truly pray to God the Father of all if we treat any people in other than brotherly fashion, for all men are created in God’s image.” Ang pagkilala sa IPs ay bahagi ng ating respeto sa kanila hindi lang bilang “guardians of the environment” kundi bilang kapwa natin na anak ng Diyos.