Ang trabahong online ay naging lifeline ng maraming mga Filipino ngayon. Dahil nga sa dami ng nawalan ng kabuhayan at trabaho, marami ang gumamit ng teknolohiya upang kumita. Malaking bentahe sana ito sa mga mamamayang Filipino. Dahil sa online jobs, nagkaroon ng oportunidad ang marami sa gitna na kawalan ng trabaho sa panahon ng pandemya.

Sa ating bansa, marami rami na rin ang magaling gumamit ng teknolohiya, lalo pa’t tayo ay tinataguriang social media capital of the world. Kaya naman hindi nakakapagtaka na maraming kabataan ang nahahalina sa mga online jobs. Nakikita rin ng mga nanay na magandang oportunidad ang ganitong uri ng trabaho. Dahil sa kanila nakasalalay ang pag-aalaga ng anak at tahahan, maraming sa kanila ang nag-o-online work para kumita rin sila kahit pa nasa bahay lamang.



Maganda sana ito, kaya lamang makatarungan ba ito at sustainable? Kailan nating suriin ito, dahil ayon nga sa Sacramentum Caritatis: “Work is of fundamental importance to the fulfillment of the human being and to the development of society. Thus, it must always be organized and carried out with full respect for human dignity and must always serve the common good.”

Ayon sa isang pag-aaral mula sa Philippine Institute for Development Studies (PDS), may mga hamon sa online work na kailangan natin harapin, lalo pa’t dumarami ang mga Filipinong pumipili nito ngayon.

Unang-una, ang mga kliyente ng online workers, kadalasan ay mula sa ibang bansa. Direkta silang nakikipag-ugnayan dito at wala silang ibang nakaka-samang ibang katrabaho.  Dahil dito, nahihirapan ang marami na maglahad o magtanong, halimbawa, ng kanilang mga agam-agam sa trabaho o kaya kahit reklamo dahil kulang sa “grievance mechanisms” ang mga plataporma ng online labor.

Pangalawa, maraming trabaho sa online world ay napakaliit ng sweldo at karamihan ay clerical work lamang. Ayon nga sa nasabing pag-aaral, mga 25% ng mga Filipino online workers ay nasa mga low value-added jobs, habang 14% lamang ang nasa mga trabahong kaugnay sa software development at technology. Ayon sa pag-aaral, maliit pa ang bahagi na ito kumpara sa mga online workers sa India na nasa 59%, sa Pakistan na 45%, at Viet Nam, na nasa 52%.

Karamihan din sa mga online workers ngayon sa ating bansa ay walang social protection. Remuneration o sweldo lamang ang kanilang natatangap, at kadalasan mababa pa ito. Wala silang health care, walang leaves, at walang ibang benefits. Kapag nagkasakit sila o nag-absent, wala silang bayad o benepisyo.

Ang mga ganitong hamon ay kailangan nating suriin at harapin upang mapangalagaan natin ang kapakanan ng mga online workers na dumami habang lumilipas ang panahon. Nagbabago na ang job landscape sa buong mundo, kapanalig. Ang online work ay new normal na rin. Kailangan nating siguraduhing makatarungan at sustainable ito para hindi madehado ang mga online Filipino workers.

Sumainyo ang Katotohanan.